PINILI ng Terrafirma Dyip si Filipino-American player Stephen Holt bilang kanilang top pick sa PBA Rookie Draft kahapon sa Market! Market! sa Taguig.
Bagama’t isa sa pinakamatanda sa draft, ang 31-year-old ang may pinakaimpresibong credentials, kung saan nakapaglaro na siya sa NBA Summer League at sa National Basketball League sa Australia.
Sinabi ni Holt, naglaro na rin sa Andorra, Spain, Czech Republic, Poland, Kazakhstan, Slovenia, at Romania sa kanyang decade-long professional career, na tinanggihan niya ang mga alok sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang PBA dream.
“It is definitely one of my goals in my career to play in the PBA,” pahayag ng 6-foot-4 na si Holt via Zoom dahil nasa United States pa siya at hindi nakadalo sa draft proceedings.
Kinuha naman ng Blackwater si 6-foot-6 guard Christian David bilang second overall pick.
Si David ay naglaro para sa Butler University sa US NCAA Division 1 at pumirma sa Seoul Samsung Thunders sa Korean Basketball League bago pumasok sa PBA.
Kailangan ng frontline guys, hinugot ng Rain or Shine sina 6-foot-7 Luis Villegas at 6-foot-8 Keith Datu bilang third at fourth picks, ayon sa pagkakasunod.
Kinumpleto ni Zavier Lucero ang top five, kung saan kinuha ng NorthPort ang dating University of the Philippines star forward.
Pinili naman ng Phoenix bilang No. 6 pick si 6-foot-4 Ken Tuffin, na itinuturing na best shooter sa grupo.
Napunta si Richard Rodger sa NLEX sa No. 7 na sinundan nina Brandon Bates (Meralco) sa No. 8, Schonny Winston (Converge) sa No. 9, BJ Andrade (Converge) sa No. 10, Cade Flores (NorthPort) sa No. 11, at TJ Miller (Terrafirma) sa No. 12.
Ang iba pang kilalang players na nakuha sa draft sa mga sumunod na rounds ay sina Kemark Carino (Terrafirma) sa 13th, Ricci Rivero (Phoenix) sa 17th, Sherwin Concepcion (Rain or Shine) sa 27th, Fran Yu (NorthPort) sa 40th, at John Amores (NorthPort) sa 51st.
May kabuuang 128 players ang nag-aplay sa draft ngunit 124 lamang ang idineklarang official applicants.