HOLY WEEK HEIGHTENED ALERT NG PNP: 52K PULIS IDINEPLOY

INILAGAY kahapon ng alas-12:01 ng madaling araw ng Philippine National Police (PNP) sa mataas na alerto ang kanilang puwersa sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda sa Semana Santa at long summer vacation.

Kahapon ng umaga ay nagsimula na rin ang inspeksyon ni PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr sa mga terminal para matiyak na ligtas ang mga biyahero.

Unang tinungo ni Acorda kasama ang kanyang mga opisyal at iba pang opisyal ng government agencies ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kasabay ng pagdaragdag ng seguridad sa mga transport terminal na inaasahang dadagsain ng mga pasahero.

“With regards to the threats, there are no threats we are receiving but nevertheless we deployed in accordance sa ating worse scenario,” ayon kay Acorda.

Kabuuang 52,000 ang idedeploy ng PNP sa mga transport terminal, malls at iba’t ibang pasyalan sa bansa.

“So, all in all we deployed 52,000 plus police personnel and with the other agencies mga 180,000 plus and kasama na dito ‘yung mga police assistance desks natin sa mga highways, mga deployed sa ports, terminals, airports and major convergence areas kagaya ng mga simbahan and tourist areas,” ayon kay Acorda.

Nagpapaalala rin ang PNP sa mga magulang na bantayang mabuti ang mga anak ngayong panahon ng bakasyon.

Kasunod ito ng pagkamatay ng dalawang bata sa loob ng kotse sa Angeles City sa Pampanga na pinaniniwalaang na-suffocate.

Magtatagal ang heightened alert ng PNP hanggang sa Abril 1 pero magtutuloy-tuloy ang pinaigting na seguridad sa mga itinuturing na areas of convergence.
EUNICE CELARIO