MATAPOS ang ilang oras na paglalakbay sa himpapawid at mahabang mga kalsada ay tuluyan nang nakauwi sa bayan ng Balangiga sa Samar ang tatlong batingaw na tinangay ng mga sundalong Amerikano may 117 taon na ang nakalilipas.
Ito ang ulat na ibinahagi ni Philippine Air Force (PAF) Public Affairs Office chief Major Aris Galang.
Lumapag ang Philippine Air Force C-130 cargo plane sa Guiuan, Eastern Samar bandang alas-10:28 ng umaga araw ng Biyernes.
“Good morning. Around 8 a.m. po ng umalis dito sa VAB (Villamor Air Base, Pasay City) ‘yung C-130 (with tail number 5011) and 10:28 a.m. po dumating ng Samar,” ani Maj Galang.
Tatlong military truck na may kargang mga sundalo ang nag-abang sa pagdating ng mga kampana sa paliparan sa Guiuan.
Isinakay naman agad sa military truck ang mga kampana para dalhin na sa bayan ng Balangiga.
Nabatid na ngayong hapon ay nakatakdang i-turn over ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga local government official ang makasaysayang mga kampana.
Iginiit ni Duterte na walang sinuman ang dapat umangkin sa pagkilala sa pagbabalik ng Balangiga bells sa bansa.
Sa kanyang pahayag ay iginiit ng presidente na naibalik ang mga makasaysayang kampana dahil sa hiling ng lahat ng mga Filipino at walang kahit sinuman ang dapat umangkin nito.
Una rito ay nilinaw ng Pangulo na pupunta siya sa Eastern Samar para sa handover ng mga kampana pero hindi ito dadalo sa gagawing “high mass” ng Simbahang Katolika.
Sa kanyang pagdalo sa birthday celebration ni dating Sen. Manny Villar sa Las Piñas City, sinabi ni Duterte na dadalo lamang siya sa seremonya ng pag-turn-over ng mga Amerikano sa Balangiga bells sa local government officials at aalis na rin.
Ibibigay sa Pangulo ng kinatawan ng Amerika ang mga kampana saka niya ito iti-turnover sa local chief executives at tapos na ang kanyang papel.
Iginiit ni Pangulong Duterte na bahala na ang local chief executives na mag-handover ng mga kampana sa mga taong simbahan sa Balangiga kung saan ito orihinal na nakalagay rati.
Ang local government officials na ang magbibigay ng mga kampana sa Simbahan o Parokya ng Balangiga saka gagawin ang misa bilang selebrasyon.
Sinabi ni Duterte na ayaw niyang makinig ng misa ng mga Katoliko dahil hindi siya naniniwala sa sinasabi ng mga pari at obispo.
Muli rin nitong binatikos ang mga pari at obispo dahil umano sa pagiging ipokrito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.