HOME CARE KITS, FOOD PACKS IPINAMAHAGI SA NAKA-QUARANTINE

INIUTOS ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas ang agarang pamamahagi ng home care kits at food packs sa mga residente ng lungsod na nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang nakapailalim sa home quarantine.

Ipinagpatuloy lamang ang naturang hakbang na kung saan noong nakaraang taon ay namamahagi na rin ng home care kits ang lokal na pamahalaan sa mga residente na nagpositibo man o hindi sa virus upang masiguro na ligtas ang mga ito laban sa COVID-19.

Ang ipinamamahaging home care kits ay naglalaman ng face mask, alcohol, thermometer, paracetamol, lagundi capsule, vitamin-c, soap, shampoo, tissue roll, toothbrush at toothpaste.

Samantala, ang mga ipinamimigay na food packs sa mga nagsasagawa ng sariling quarantine sa kanilang mga bahay ay nalalaman naman ng noodles, delata (tuna sardines, corned beef at meat loaf), 5 kilong bigas, 3in1 coffee at Fita crackers.

Bukod sa mga residenteng tinamaan ng virus na nakapailalim sa kuwarantiya sa kani-kanilang bahay ay namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng home care kits at food packs sa pamilya ng mga pasyente ng COVID-19 na naka-confine sa isolation facilities sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ