HOME DECORATION TIPS FROM SCRATCH

HOME DECORATION-1

Ni CT SARIGUMBA

WALANG pinipiling panahon o oras ang pagpapaganda at pag-aayos ng tahanan. Kung kailan tayo may panahon, saka natin ito ginagawa. Karamihan naman, naglalaan talaga ng oras para lamang mapaganda ang kani-kanilang tahanan.

Kunsabagay, maganda nga namang nakapag­aayos tayo ng ating tahanan. Para mapanatili itong maayos at maging ligtas din ang mga taong nakatira rito.

Ngunit sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan, lagi’t laging inaalala natin ang budget o gagamiting halaga para sa gagawing proyekto.

Ngunit may mga simpleng paraan din naman ng pag-aayos na hindi na natin kakaila­nganin pa ng pero. Kumbaga, kung anong mayroon tayo ay iyon ang ating gagamitin.

Kaya sa mga gustong pagandahin ang kani-kanilang tahanan ngunit walang budget, narito ang ilang tips na puwede ninyong subukan:

ALAMIN ANG MGA BAGAY NA NAKAPAGPAPASAYA SA PAMILYA

Sa pagpapaganda ng ating tahanan, hindi lamang sarili ang dapat nating isipin kundi ma­ging ang ating pamilya.

Mas maganda rin kasi iyong magustuhan nila ang ginawa nating pagdedekorasyon. May ilan kasing maganda ang dekorasyon ngunit hindi naman ito nagpapahiwatig ng hilig ng isang pamilya o bawat miyembro ng isang pamilya.

Sa pagdedekoras­yon ng buong tahanan o kahit na kuwarto lang, importanteng naipakikita natin ang hilig o hubby natin. Kumbaga, hindi lamang kailangang maganda ang ayos nito. Kundi napakaimportante ring sa pamamagitan ng dekorasyong gagamitin ay ipinakikita nito ang hilig ng isang tao o isang pamilya.

Kaya naman, sa gagawing proyekto, makabubuti kung gagamitin o magiging inspirasyon sa gagawing pagpapaganda ng tahanan ang gusto ng bawat miyembro ng iyong pamilya.

Sa ganitong paraan nga naman ay hindi ka na mahihirapang mag-isip kung paano pagagandahin ang inyong tahanan dahil magagamit mo ang mga bagay na paborito o gusto ng iyong pamilya.

Ang mga hilig o bagay ring gusto ng inyong pamilya o bawat miyembro ng pamilya ay maa­aring gawing statement piece. Halimbawa na lang ang libro. Kung mahihilig kayo sa libro, swak itong gamitin para gumanda ang isang lugar.

Kung mahilig kayo sa laruan, swak din itong ipan-display.

GUMAMIT NG MIRROR PARA UMALIWALAS ANG MALIIT NA LUGAR

Bawat tahanan nga naman ay mayroong salamin o mirror. Isa nga naman ito sa bagay na hindi maaaring mawala.

Bukod sa lagi o hindi nawawala ang mirror sa bawat tahanan, isa rin ito sa maaaring gami­ting pandekorasyon o pampaganda ng tahanan para maging maaliwalas at maluwag ang isang lugar.

Kaya naman, kung may mga lugar kayo sa bahay na makikipot o madidilim, isang paraan diyan para lumiwanag ay ang paggamit ng mirror o salamin. Kumbaga, lagyan lang ng salamin ang nasabing lugar at magkakaroon ka na ng instant light ang nasabing espasyo.

PAGHALUIN ANG LUMA AT BAGONG PANDEKORASYON

Mahilig ang marami sa ating bumili ng mga pandekorasyon.  Pero hindi naman kailangang itabi, itapon o itago ang mga lumang pandekorasyong mayroon tayo. Maaari pa rin kasi natin itong magamit.

Kumbaga, maaari nating pagsamahin ang mga lumang dekoras­yong mayroon tayo sa mga bagong nabili natin.

Wala namang masamang pagsamahin ang bago sa luma o ang mahal sa murang pandekorasyon.

GAMITIN ANG ARTWORK O PICTURE BILANG PANDEKORASYON

Isa nga naman sa hilig ng maraming pamilya ay ang pagpapakuha ng litrato. Sa tuwing magtutungo nga naman sa ibang lugar o kakain sa labas, paniguradong hindi puwedeng mawala ang pictutre.

At dahil mahilig ang karamihan sa atin sa pagpapakuha ng litrato, kaysa itago lang iyan ay maaari irong gamitin para gumanda ang ating tahanan. Bukod sa picture, swak din ang pagsasabit ng mga artwork na gawa ng miyembro ng pamilya.

HALAMAN AT BULAKLAK BILANG DEKORASYON

Hindi rin nawawala ang halaman at bulaklak sa isang tahanan. Hindi lang din naman babae ang mahilig sa bulaklak, gayundin ang mga kalalakihan.

Sa bahay, halimbawa na lang, mas nabubuhay ang tinatanim na halaman ng partner kaysa sa itinatanim ko. Kaya’t sa tuwing bibili kami ng halamang itatanim, siya ang laging pinagtatanim ko nang hindi naman masayang ang ginastos namin.

Nakatutulong nga naman sa kagandahan ng isang lugar ang halaman at bulaklak.  Kaya naman, kung may mga halaman ka sa inyong bakuran, swak na swak mo itong gamiting pandekorasyon sa loob ng inyong bahay.

Bukod sa mura lang ang mga ito, maganda pa itong tingnan at nakatutulong upang malinis ang hangin at mabalanse ang humidity sa isang lugar o kuwarto.

Kaya piliin ang mga halamang nakatatanggal ng harmful gases at nakaa-absorb ng pollutants sa hangin.

Sa totoo lang ay napakaraming paraan para maging maganda at maaliwalas ang ating tahanan nang hindi tayo gumagastos ng malaki. Maging creative lang.

Comments are closed.