Kung mahilig ang anak ninyo sa luncheon meat, madali lang itong gawin — na walang additives, preservatives, at konti lang ang asin at oil — pero sobrang sarap! Malinis at masustansya pa.
May bad reputation ang luncheon meat dahil unhealthy food daw ito. Sa dami ba naman ng halo nitong additives, preservatives, asin, at fats! Pero favorite pa rin ito sa almusal. Madali kasing ihanda. Ipiprito lang, okay na.
Pinakasikat sa Pilipinas ang Ma Ling at SPAM, pero may CDO at Bonus na rin. Mas mura.
Hindi ko SINANAY ang mga anak at apo ko sa luncheon meat, kasi nga, bukod sa mahal, hindi pa healthy. Pero paminsan-minsan, bumibili rin kami para alam nila ang lasa. Syempre, gusto nila! At sana, noon ko pa nalamang pwede pala itong homemade. Hindi masyadong kalasa ng Ma-ling at SPAM, pero masarap din. Pwedeng gumamit ng pork o chicken meat pero mas masarap ang pork. May konting taba kasi.
Paraan ng paggawa:
- Ipagiling ang karne, about one-fourth kilo.
- Ihalo ang finely grated garlic, egg whites, dalawang kutsarang cornstarch at mga pampalasa tulad ng toyo, pamintang durog, seasoning at oyster sauce.
- Haluing mabuti sa isang direksyon lamang Hanggang magkaroon ng sticky paste texture.
- Magluto ng konti at pakulo ng tubig at tikman kung tama na ang lasa. Kung okay na, ihanda ang hulmahan. Microwavable container ang ginamit kong hulmahan dahil may takip.
- Lagyan nga pala ng margarine ang lahat ng sides ng hulmahan para hindi dumikit ang luncheon meat.
Siksiking mabuti para walang butas kapag naluto.
Huwag pupunuin dahil nag-e-expand ito habang pinasisingawan.
- Pasingawan ng 35-40 minutes o hanggang maluto ang karne.
- Kapag luto na, alisin sa steamer at palamigin. Hatiin sa tamang laki.
Pwede na siyang prituhin, at may pambaon na si bunso sa iskwela. Kung may natira, pwedeng itago muna sa refrigerator o sa freezer para naman sa ibang araw. Pwede itong i-refrigerate hanggang tatlong buwan.
RLVN