CAVITE – SINALUBONG ni kamatayan ang 49-anyos na home owner makaraang pagtulungang gulpihin ng tatlong lalaki kabilang ang isang pulis-Maynila saka niratrat sa loob ng bahay sa Rosewood Village Subd. sa Brgy. Niog 2, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng madaling araw.
Napuruhan sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang biktimang si Ferdinand Sanchez y Huggett ng Block 2 Lot 16 Wood Starbend St., Rosewood Village, Brgy. Niog 2, Bacoor City.
Arestado at nahaharap sa kasong pagpatay si PSMSgt. Herbert Salazar, nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Station No. 7 at nakatira sa nasabing lugar.
Base sa ulat ni P/Staff Sgt. Edison L. Fetalcurin na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, naganap ang krimen dakong ala-1:50 ng madaling araw kung saan nakikipag-inuman ng alak ang suspek sa iba pang kapitbahay sa gitna ng kalsada sa loob ng subdivision.
Nagkataon namang hindi makaraan ang sasakyang minamaneho ng biktima kaya pinakiusapan nito ang mga suspek na pansamantalang umalis para siya ay makaraan.
Subalit minasama ng pulis na sinasabing pawang lango na sa alak kaya nauwi sa panggugulpi hanggang sa tumakbo na lang palayo ang biktima patungo sa kanyang bahay.
Hinabol ang biktima ng suspek habang mistulang nakihabol din ang dalawa sa mga kainuman hanggang sa maabutan sa loob mismo ng bahay nito saka pinagbabaril ang biktima na walang kalaban-laban.
Narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala ng cal. 9mm pistol habang naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation kung saan isinuko ang ginamit na cal. 9mm pistol na kargado ng mga bala.
Hustisya naman ang sigaw ng kaanak ng biktima at hindi makapaniwala sa pangyayari na dahil lamang sa pagdaraan sa kalsada ay sinapit ang pagbaril sa kanya.
Sa ngayon ay balot ng takot ang nasabing subdibisyon dahil sa pangyayaring pagpatay na dahil lamang away sa kalsada. MHAR BASCO
Comments are closed.