NGAYONG summer, hindi nga naman maiwasan ang magkaroon ng sore throat o ubo. Kahit na anong gawing ingat ng marami sa atin, nahahawa pa rin lalo na kung nasa pampublikong sasakyan at may-roong inuubo. Hindi rin naman kasi natin mapipili ang makakasabay natin sa sasakyan.
May ilan pa naman na kahit na ubo nang ubo sa pampublikong sasakyan, walang pakialam. Hindi man lang magawang magtakip ng bibig.
Isa pa, mahirap din namang magreklamo kapag may nakasabay ka sa pampublikong sasakyan na inuubo o may sakit. Hindi naman nila ginustong magkasakit o ang ubuhin.
At dahil usong-uso sa ganitong panahon ang sore throat, narito ang ilan sa home remedies na puwedeng subukan kung mayroon na kayo nito:
HONEY
Nangunguna sa ating listahan ang honey. Napakarami nga namang kagandahang naidudulot nito sa kalusugan.
Isa nga naman ang honey sa household remedy para sa sore throat dahil sa antibacterial at anti-inflammatory properties nito.
Puwedeng inumin ang honey at maaari rin namang isama sa hot water o kaya naman tea. Kung iinumin ng puro ang honey, mainam kung iinom ng isang kutsarita nito bago matulog.
SALT WATER
Isa pa sa pinakasimple at hindi ka na gagastos pa ay ang pag-gargle ng salt water o pinaghalong maligamgam na tubig at asin. Malaki ang naitutulong ng nasabing mixture upang mapatay ang bacteria sa lalamunan.
Nakatutulong din ito upang mabawasan ang pamamaga ng lalamunan at mapanatili itong malinis.
Gawin ang nasabing procedure every three hours.
CHICKEN SOUP
Pagdating naman sa mga pagkain, mainam naman ang chicken soup na home remedy sa sore throat.
Ang mga maiinit na sabaw ay mainam higupin upang lumuwag ang pakiramdam. Ngunit bukod pa rito, napabababa ng pagkain ng chicken soup ang virus kumpara sa paghigop o pag-inom lamang ng mainit na tubig.
Masustansiya rin ang chicken soup kaya’t swak na swak itong kahiligan—may sakit man o wala.
GINGER
Kilala rin ang ginger sa taglay nitong anti-inflammatory at anti-bacterial properties. Isa pa ito sa puwedeng subukan kung mayroong sore throat.
Magpakulo lang ng tubig at ilagay ang fresh ginger na binalatan at hiniwa-hiwa ng maninipis. Hayaan itong kumulo sa loob ng 10 minuto.
Matapos ang 10 minuto, salain na ito at inumin ang mixture. Subukan o inumin ito ng dalawang beses sa isang araw.
Puwede rin itong samahan ng isang kutsaritang honey.
GARLIC
Kung mayroon mang spices na hindi nawawala sa ating kusina, iyan ang bawang. Pampasarap nga naman ito sa mga lutuin. At bukod sa nakapag-daragdag ito ng linamnam sa bawat lutuin, swak na swak din itong gamitin bilang home remedy sa sore throat.
Mayroong natural antibacterial properties ang bawang. Ibig lang sabihin, may abilidad o kakayahan itong labanan ang infection.
Isama lang sa diyeta ang fresh garlic nang makuha ang benepisyo nito.
Hindi nga naman natin maiiwasan ang magkasakit o ang magkaroon ng ubo. Napakahirap pa namang magtrabaho kung may sakit. Kaya naman, upang makapagtrabaho ng maayos at gumaling kaagad ang sore throat, subukan ang mga nabanggit sa itaas. Huwag ding kaliligtaan ang pag-inom ng maraming tubig, fresh juice at ang pagkain ng masusustansiyang pagkain nang makabawi ang katawan.
(photo credits: readersdigest.co.uk, blog.doctoroz.com, boldsky.com)
Comments are closed.