HOMECOMING PARADE PARA KAY YULO, IBA PANG OLYMPIANS KASADO NA

NAKAHANDA na ang grand homecoming parade para kina Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo, bronze medalists Aira Villegas at Nesthy Petecio, at sa iba pang Olympians sa mga kalye sa Maynila sa Martes ng hapon.

Inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ruta para sa mga motorista at commuter upang makaiwas sila sa mga lugar na magiging mabigat ang daloy ng trapiko. Isang stop-and-go scheme ang ipatutupad..

Mula sa airport, ang mga atleta ay tutuloy sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan magsisimula ang parada mula alas- 3 ng hapon patungo sa Malacañan Palace kung saan naghihintay si PresidenteFerdinand R. Marcos Jr.

Mula sa PICC, ang parada ay dadaan sa V. Sotto Center Island, kakaliwa sa Roxas Boulevard, kanan sa P. Burgos Avenue, diretso sa Finance Road, diretso sa Ayala Boulevard, diretso sa Casal Street, diretso sa Legarda Street, kanan sa Chino Roces Bridge (Mendiola), kanan sa Jose Laurel Street at sa Palasyo.

Nagtapos ang kampanya ng Pilipinas na may apat na medalya — dalawang gold mula kay Yulo at tig-isang bronze mula kina Petecio at Villegas.

Ang iba pang Filipino Olympians ay sina World No. 2 pole vaulter EJ Obiena; gymnasts Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo; boxers Hergie Bacyadan, Eumir Marcial at Carlo Paalam; rower Joanie Delgaco; weightlifters Vanessa Sarno, John Ceniza at Elreen Ando; fencer Samantha Catantan; judoka Kiyomi Watanabe; hurdlers John Cabang Tolentino at Laura Hoffman; swimmers Kayla Sanchez at Jarod Hatch; at golfers Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.

Ang Summer Games ay pormal na nagtapos nitong Linggo, Agosto 12, at magpapatuloy ang kumpetisyon para sa Paralympics sa Agosto 28 hanggang Seryembre 8.

May kabuuang 4,400 atleta ang sasabak sa 549 sports.

Ang Pilipinas ay magpapadala ng anim — Jerrold Pete Mangliwan (wheelchair racing), Cendy Asusano (para javelin throw), Allain Keanu Ganapin (taekwondo), Agustina Bantiloc (archery), at Ernie Gawilan at Angel Otom (swimming).