HOMEMADE BIBINGKA

BIBINGKA

ISA NA yata ang amoy ng bibingka sa pina­kamagandang sumasalubong sa atin bilang pa­alala sa nalalapit na pagsapit ng kapaskuhan. Ngayong tumuntong na naman ang ‘ber’ months, siguradong kaliwa’t kanan na ang mga nagtitinda ng puto bungbong at bibingka sa ating paligid.

Paniguradong pasok sa cravings mo ang paborito ng marami sa atin na bibingka. Ang kakaibang pagluluto nito ga­mit ang terra cotta pots at uling ay talaga namang kaakit-akit sa pa­ningin at panlasa ng bawat makatitikim.

Isa nga naman ang bibingka sa hindi nawawala tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

At sino ba namang hindi matatakam sa bersiyon natin ng rice cake na dinagdagan pa ng pinagsama-samang lasa ng mantikilya, itlog na maalat at niyog.

Panalong-panalo sa lasa at hitsura!

Marami tayong mabibilhan ng bibingka dahil hindi ito nawawala kapag sumasapit na ang ‘ber’ months.

At para hindi na natin kailangang lumayo pa o lumabas sa bahay para lang maghanap ng mabibilhan ng bibingka, bakit hindi natin subukan sa ating mga sariling tahanan ang paggawa o pagluluto nito?

Pambuong pamilya na, may bago ka pang maipatitikim sa mga mahal sa buhay na puwede mo ring ihanda sa noche buena.

Simple lang naman itong lutuin. Kung may oven ka ay puwedeng-puwede kang makagawa ng bersiyon mo ng bibingka.

Pero mainam din ang old style sa pagluluto nito kagaya na lang ng mga nakikita natin sa kalye o sa labas ng simbahan  kapag may simbang gabi.

BIBINGKA RECIPE

Narito ang mga kakailanganin sa paggawa ng bibingka:BIBINGKA

2 cups rice flour

1 cup asukal

2 kutsara ng baking powder

½ kutsarita ng asin

1 lata ng gata

2 kutsara ng tinunaw na mantikilya

5 bating itlog

Dahon ng saging

Para sa Toppings:

2 itlog na maalat, hiniwang pahaba

kesong puti o keso de bola

Mantikilya

Niyog

Paraan ng pagluluto:

Una ay painitan sa apoy ang nilinis na dahon ng saging. Hindi lang ito makadaragdag ng flavor sa bibingka, malilinis din nito ang dahon ng saging.

Pagkatapos na mapainitan ang dahon ng saging, saka ito ilapat sa aluminum pie pans, siguraduhing maayos ang pagkakaayos nito.

Pangalawa ay pagsamahin sa isang malinis na lalagyan ang rice flour, asukal, baking powder, at asin. Haluin ito nang mabuti.

Sa hiwalay na lalagyan naman ay pagsamahin ang gata at mantikilya. Kapag nahalo na itong mabuti ay saka ilagay nang dahan-dahan ang rice flour mixture hanggang sa wala na itong buo-buo.

Sunod na ilagay ang itlog at haluin ulit nang mabuti.

Maaari na itong ilagay sa aluminum pie pans na may dahon ng saging. Saka ilagay ang toppings na itlog na maalat at keso depende sa gusto ninyong dami.

Ilagay ito sa oven at i-bake sa 350 degrees Fahrenheit sa loob ng 20 hanggang 25 na minuto. Kapag nakitang ito ay golden brown na, tusukan ng toothpick, kapag nakitang malinis ang itinusok na toothpick sa bibingka, ibig sabihin ay luto na ito.

At huli, tanggalin na ito sa oven at lagyan ng mantikilya sa ibabaw at kaunting asukal at niyog, ayan na, maaari nang kainin ang inyong sari­ling gawang bibingka!

Araw-araw ay mararamdaman ang kapaskuhan sa inyong tahanan kapag naihain na ang inyong bersiyon ng bibingka! Ang mga pagkaing paborito natin, kapag sinamahan ng pagmamahal ay tiyak na hindi lang magugustuhan ng pamilya kundi ito’y mamahalin din ng kanilang panlasa. Ano pang hinihintay ninyo, luto na!  LYKA NAVARROSA

 

Comments are closed.