HOMEMADE HAM

HOMEMADE HAM

(ni CT SARIGUMBA)

ESPESYAL na putahe, iyan ang isa sa pinag-iisipan natin kapag natatangi ang okasyon, gaya na nga lang ng Pasko. Gusto nating maging kakaiba ang naturang pagtitipon lalo pa’t minsan lang sa isang taon ito ipagdiwang. Kaya naman, kinakalikot natin ang ating mga isipan upang magkaroon ng ideya kung ano ang swak ihanda sa pamilya man o darating na mga bisita.

Pero may mga pagkain din naman na sabihin amng paulit-ulit ay swak na swak pa ring ihanda, kagaya na lang ng ham.

Ngayong Pasko, isa sa hindi puwedeng mawalan sa ating mga hapag o handa ay ang ham. Marami ang nagreregalo ng ham. Marami ka rin kasing mabibilhan nito. Hindi lamang din natin ipinalalaman sa tinapay ang ham, kadalasan ay ipinang-uulam din natin ito sa kanin. May ilan pa ngang kapag may matirang ham, isinasama ito sa fried rice.

Wala nga namang kasinsarap ang ham. May iba’t iba rin nitong klase. Iba-iba rin ang presyo nito sa merkado. Ngunit bukod sa pagbili, mainam din ang paggawa ng ham nang masigurong pasok ito sa panlasa ng buong pamilya.

Kaya naman kung gusto mong subukang magluto nito ngayong holiday, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa ng homemade ham ay ang 3 kilos ng boneless pig leg, 8 tasa ng pineapple juice, 3 piraso ng bay leaves, 1 tasa ng brown sugar, 1 ulo ng pinitpit na bawang at asin.

Para naman sa Pineapple Glaze ang mga kakailanganin naman ay ang:

1 cup pineapple juice

1/2 cup brown sugar

Paraan ng pagluluto:

Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay pagsamahin ang brown sugar, bay leaves, pineapple juice at bawang sa isang malalim na lutuan, pakuluan ito saka haluin.

Pagkatapos ay ilagay na ang karne. Takpan saka hayaang kumulo sa loob ng 60 hanggang 70 minutes. Pagkatapos ng 70 minutes, tanggalin na sa pinaglulutuan ang karne. Palamigin ito at saka ilagay sa ref nang magdamag.

Kinabukasan, tanggalin ang karne sa ref at hayaan lang sa lamesa nang lumambot. Kapag lumambot na ang karne, hiwaan ng diamond pattern ang karne.

Sa paggawa naman ng Pineapple Glaze, pagsamahin lang ang brown sugar at pineapple juice sa lutuan. Pakuluin ito. Halo-haluin nang hindi masunog.

Kapag nagawa na ang pineapple glaze, pahiran ang karne gamit ang pastry brush.

Kapag napahiran na ang kabuuan ng karne, maaari na itong i-bake sa 325 degrees Fahrenheit sa loob ng isang oras o hanggang sa maging brown ang ham. Huwag kaliligtaang lagyan ng glaze ang ham habang niluluto.

Kapag naluto na,tanggalin na ito sa oven. Ipahid ulit ang natitira pang pineapple glaze mixture at hiwain ito habang mainit pa.

Ganoon  lang kasimple at may maihahanda ka na sa buong pamilya ngayong Pasko.

Bakit nga naman bibili pa kung kayang-kaya namang gumawa ng ham.

Mas mapasasarap mo rin ang bonding ninyo ng iyong mahal sa buhay kung ikaw na mismo ang naghanda ng pagkaing inyong pagsasaluhan.

Ngayong Pasko, hindi naman kailangang mahal ang ihahanda sa buong pamilya. Ang mahalaga ay magkakasama ang bawat miyembro ng pamilya sa natatanging okasyon. At kahit na ano pa mang handa ang mayroon tayo, basta’t buo ang pamilya ay lalo itong sasarap at katangi-tangi.

(photos mula sa bbcgoodfood.com, kawalingpinoy at medium.com)

Comments are closed.