HOMEMADE ICED TEA

ICED TEA

(Ni CT SARIGUMBA)

MATINDI pa rin ang init ng panahon. Nagbabaga pa rin ang paligid. Kung puwede nga lang maglagi sa loob ng aircon at huwag nang lumabas, gagawin natin. Iyon nga lang, marami rin tayong obligasyong kailangang gampanan. Hindi rin puwedeng idahilan nating sobrang init ng paligid kaya’t hindi natin mat-apos ang ating trabaho.

Oo nga’t nakatutuyo ng utak ang mainit na panahon. Nakaiirita. May mangyari lang na maliit na bagay na hindi natin inaasahan at nagugustuhan, umiinit na kaagad ang ulo natin.

Pero kung hahayaan naman nating sakmalin tayo ng inis o asar dala ng init ng panahon, tayo lang din ang talo at mahihirapan.

Kaya’t imbes na mainis o uminit ang ulo, bakit hindi na lang mag-isip ng paraan upang lumamig ang pa-kiramdam. Marami rin namang pa­raan upang maiwasang mainis sa ganitong panahong.

At kapag tila nga nag-aalab ang paligid, isa sa masarap lantakan o kahiligan ay ang mga malalamig na inumin. Mga inuming kapag nasayaran ang ating lalamunan, natitighaw ang uhaw na ating nadarama.

Importanteng napananatili nating hydrated ang ating katawan kapag mainit ang panahon. At para mai-wasan ang ma-dehydrate, kailangang maya’t maya tayong umiinom ng tubig. Sa tuwing aalis din tayo ng bahay ay huwag nating kaliligtaang magbaon ng tubig nang mauhaw man sa daan, makaiinom kaa-gad.

Ilan sa senyales ng dehydration ang dry skin, dizziness, pagkauhaw, panunuyo ng bibig, antok at pagod na pakiramdam at headache o pananakit ng ulo.

Kung may isa mang inuming napakasarap karamay kapag ganitong mainit ang paligid, iyan ang iced tea. Pero hindi naman puwedeng 3 in 1 o ‘yung mga nasa sachet ang bibilhin natin at ti­timplahin. Siyempre, mas sasarap ang iced tea kung ikaw mismo ang gagawa nito.

Sa mga gustong su­bukan ang homemade iced tea, ang mga sangkap na kakailanganin natin ay ang mainit na tubig, anim na pirasong tea bags, malamig na tubig, asukal o honey, at baking soda para pang sprinkle.

Paraan ng paggawa:

I-sprinkle ang baking soda sa walang lamang pitcher. pagkatapos ay ilagay ang tea bags sa pitcher at buhusan ng mainit na tubig.

Kapag nailagay na ang mainit na tubig, takpan na ang pitcher at hayaang nakababad ang tea bags sa loob ng labinlimang minuto.

Pagkalipas ng labinlimang minuto ay tanggalin na ang tea bags, lagyan ng sugar o honey nang magka-roon ng lasa. Ibuhos na rin sa mixture ang malamig na tubig. Haluin ulit na mabuti saka ilagay sa ref.

Kapag malamig na, puwede na itong inumin nang maibsan ang uhaw na nadarama ngayong napakatindi ang init ng panahon. Maaari rin itong samahan ng hiniwang lemon para lalo pang sumarap.

Kaysa nga namang bumili ng sachet o powder na ice tea, bakit hindi na lang subukan ang gumawa ng sarili nang mas mapasarap pa ito at magustuhan ng buong pamilya.

Maraming simpleng recipe na maaari nating subukan. Maging madiskarte lang at giginhawa ang inyong pakiramdam gamit ang mga simpleng recipe.

Kaya ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Homemade Iced Tea na perfect sa buong pamilya ngayong mainit ang panahon.

(photos mula sa chsugar.com, recipe4living.com, errenskitchen.com)