HOMEMADE SALTED CARAMEL HOT CHOCOLATE

HOT CHOCOLATE

KAPAG malamig ang panahon, ano pa nga ba ang masarap inumin at kainin, hindi ba’t ang mga maiinit na pagkain at inumin. Pero siyempre, hindi lamang mainit ang mga inumin at pagkaing kahihiligan natin, kaila­ngang masarap din ito. At hindi lamang din sa mga restaurant o coffee shop tayo makatitikim ng katakam-takam na putahe, dahil kahit sa bahay lang ay maaari tayong gumawa.  Sa mga nag-iisip ng magandang recipe, swak subukan ang Homemade Salted Caramel Hot Chocolate. Napakadali lang nitong gawin.

Ang kakailanganing ingredients ay ang mga sumusunod:

⅓ na tasang unsweetened cocoa powder

⅓ na tasang granulated sugar

⅓ na tasang tubig

katamtamang dami ng cream

3½ na tasang evaporated milk

vanilla extract

⅓ na tasang salted caramel toppings

sea salt

PARAAN NG PAGGAWA:

Ihanda ang mga kakailanganing sangkap bago magsimulang gumawa. Mas maganda na iyong nakahanda na sa lamesa ang lahat ng kakailanganin nang mas mapadali ang paggawa ng Homemade Salted Caramel Hot Chocolate.

Sa isang lutuan, pagsamahin ang cocoa powder, asukal at tubig saka isalang. Haluin ito hanggang sa matunaw ang asukal at cocoa powder.

Pagkatapos ay isama na ang gatas, cream at vanilla extract. Hayaan lang na kumulo. Haluin hanggang sa maging soft ang texture nito.

Kapag naluto na, ibuhos na ang mixture sa tasa. Budburan ng whipped cream, caramel toppings at kaunting sea salt.

Simpleng-simple lang hindi ba?

Napakarami nga namang puwedeng inumin ngayong malamig ang panahon na swak sa lasa at bulsa. Marami rin tayong puwedeng bilhan. Pero mas sumasarap ang isang putahe o inumin kapag tayo mismo ang naghanda nito para sa ating pamilya. At mas makatitipid din tayo.

Kaya kung naghahanap nang puwedeng pagsaluhan ngayong malamig ang panahon, subukan na ang Salted Caramel Hot Chocolate at tiyak na maiibigan ito ng bawat miyembro ng pamilya.  CT SARIGUMBA

Comments are closed.