(Ni CT SARIGUMBA)
USONG-USO na sa panahon ngayon ang iba’t ibang juice na hindi lamang mabibili sa mga restaurant o mall, kundi maaari ring gawin sa bahay. Hindi lamang din prutas ang masarap gawing juice kundi pati na rin ang iba’t ibang gulay o vegetables gaya ng carrots, celery, parsley, bell pepper, kamatis, broccoli, cabbage at spinach. Puwede ring pagsamahin ang iba’t ibang gulay nang makalikha ng kakaiba at katakam-takam na juice.
May ilan na ayaw na ayaw ang mga juice na gawa sa gulay. Kumbaga, iniisip pa lang nila ang hitsura at magiging lasa nito, napakukunot na ang noo.
Sa panahon ngayon, bukod sa pagiging madiskarte at pagtatrabaho para sa buong pamilya, importante ring naalagaan ang sarili. Lahat ng kinakaing masama o iniinom ay may balik na hindi maganda. Marahil hindi man ngayon ngunit maaaring sa susunod na panahon o sa ating pagtanda.
Kaya’t ngayon pa lang o habang bata pa, maging maingat sa sarili. Pagtuunan ng pansin ang kalusugan. Kumain ng masustansiyang pagkain at inumin. Iwasan ang mga nakasasama o nakapagdudulot ng sakit.
At isa nga sa inuming swak subukan o kahiligan sa araw-araw ang fresh vegetable juice.
Maraming benepisyo ang vegetable juice. Una na nga riyan ay nakapagpapa-hydrate ito ng katawan dahil sa dose ng vegetables in liquid form. Nakapagpapaganda rin ito ng skin. Para makuha ang glowing skin, maaaring uminom ng tomato, potato, cabbage, radish o carrot juice.
Sa may wrinkles naman, mainam ding kahiligan ang gulay na mataas sa Vitamin C gaya ng broccoli at peppers. Sa pamamagitan ng mga naturang gulay ay magagamot at maiiwasan ang pagkakaroon ng wrinkles. Ito pa naman ang isa sa kinaaayawan ng halos lahat ng kababaihan.
VEGETABLES NA MAINAM GAWING JUICE
Sa mga nag-iisip kung anong gulay o vegetable ang mainam gawing juice at kung ano ang maidudulot nito sa katawan, narito ang tatlo sa puwedeng-puwede subukan:
CARROTS
Unang-una sa ating listahan ang carrots. Perfect na perfect itong gawing juice dahil mababa ang taglay nitong calorie. Mayaman naman ito sa Vitamin A, biotin at potassium. Nagtataglay rin ito ng carotenoid, isang plant pigments na nagwo-work bilang antioxidants sa katawan.
Lumabas din sa ilang pag-aaral na ang pagkain ng mga prutas o gulay na mayaman sa carotenoids ay nakatutulong upang maiwasan ang eye diseases, heart disease at ilang klase ng cancer.
CABBAGE
Ikalawa sa ating listahan ang cabbage dahil nutritious ito at masarap. Bawat serving ng cabbage ay nagtataglay ng Vitamin K, Vitamin C, folate, manganese at Vitamin B6.
Ang pagkain din ng cabbage ay mainam upang maiwasan ang diabetes, heart diseases at inflammation
BROCCOLI
Pangatlo ang broccoli. Marami sa atin ang mahilig sa nasabing gulay. Masarap nga naman ito at napakaraming health benefits. Nagtataglay ito ng potassium, Vitamin A, Vitamin B6 at Vitamin C.
Ang pagkonsumo rin ng mga ganitong klaseng pagkain ay nakatutulong upang maiwasan ang age-related mental decline.
Wala na nga namang dahilan para ayawan ang vegetable juice. Sa ilang benepisyong ibinahagi namin sa inyo, paniguradong susubukan na ninyo ang vegetable juice.
At sa mga nagnanais namang gumawa ng Homemade Vegetable Juice Cocktail, ang mga kakailanganin sa paggawa nito ay ang 8 na pirasong malalaking carrots, 1 maliit na tali ng celery, 1 katamtamang laki ng kamatis, 1 maliit na pulang bell pepper at 1 handful spinach o fresh parsley.
PARAAN NG PAGGAWA:
Ihanda ang mga sangkap at siguraduhing malinis ang mga ito.
Hiwain ng maliliit ang carrots. Tanggalin ang mga dahon ng celery sa tangkay. Ilagay ang lahat ng mga gulay sa blender. Paikutin ito ng ilang saglit.
Ganoon lang kasimple, puwede na itong pagsaluhan ng buong pamilya.
Kadalasang ginagamit ang carrots at celery sa paggawa ng juice. Pero kung gusto mong mag-imbento ng sariling inumin, puwede mong gamitin ang paborito mong gulay. Tandaan lang na kailangang 1/2-2/3 ng gagawing juice ay carrots.
Marami nga namang puwedeng gawing juice sa panahon ngayon na simple, masarap at healthy. Kaya’t bakit pa tayo magtitiis sa mga inuming nakasasama sa kalusugan kung sa bahay ay maaari tayong gumawa ng vegetable juice.
(photos mula sa foodnewsfeed.com, tastybev.co at ziploc.com)
Comments are closed.