HOMEOWNERS ASSOCIATIONS INAYUDAHAN NG PNP

MATAGUMPAY  na nagsagawa ng outreach program at pamamahagi ng ayuda ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa halos 1000 kasapi ng isang federation ng Homeowners Associations (HOA) sa Barangay Holy Spirit sa lungsod Quezon ngayong Biyernes.

Bilang bahagi ng pagpapabuti ng imahe ng kapulisan na kadalasan ay nababahiran dahil lamang sa ilang tinaguriang “bad eggs” sa organisasyon.

Ang mga benepisyaryo ng ayuda ay ang mga kasapi at opisyal ng walong Homeowners Associations na kabilang sa Controlled Economic Zone (CEZFED) sa Barangay Holy Spirit na pinamumunuan ni Dr. Ma. Luisa Garcia.

Nagpasalamat si Garcia sa PNP sa mga ipinaabot nilang ayuda na mga bigas at groceries sa mga naninirahan sa kanilang komunidad at iginiit na malaking tulong ito sa budget at kasalukuyang kahirapan sa buhay na nararanasan ng karamihan sa kanilang lugar.

Sa isang panayam, sinabi ni PBrig. General Lou Evangelista, Director ng Police Community Affairs and Development Group na ang Outreach Program ay paraan ng kapulisan upang gumanda ang imahe ng mga ito sa publiko na kadalasan ay nawawalan ng tiwala sa PNP, dahil lamang sa ilang kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga tauhan nito.

Ipinaliwanag ni Evangelista na mahalaga ang pagsasaayos at pagpapaganda ng relasyon ng mga kapulisan sa mga komunidad na siyang kanilang pinagsisilbihan at ang dahilan na sila ay nasa serbisyo.Ito ay hindi lamang protektahan ang mga tao, kundi tumulong din sa kanila sa kanilang pamumuhay tulad ng Outreach Program na isang “act of goodwill” na kanilang isinasagawa sa mga komunidad.

Sa pamamagitan umano ng magandang relasyon sa iba ibang grupo, nakakatulong din nito upang makuha nila ang kooperasyon ng mga tao sa pagresolba ng mga kaso at mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa bawat komunidad.

Ang mga pulis mula sa naturang yunit sa Camp Crame Headquarters ay sinamahan ng mga kapulisan mula sa Quezon City Police District, Police Station 14.
MA LUISA GARCIA