Tatlumpu at isang taong pagpupunyagi sa malayong lugar, kung saan ang pag-iisa at kalungkutan ang tanging kaulayaw. Iyan ang pinakamagandang deskripsyon kay Artemio Ruedas, 57, isang sikat na Filipino chef, barista at bartender sa New York, USA.
Sa totoo lang, walang formal training si Art sa culinary arts. Nagkataon lamang na talagang mahuhusay magluto ang mga lalaking Ruedas. Lima silang magkakapatid at iisa lamang ang babae. Ang apat na lalaki ay may kani-kanyang expertise sa pagluluto — na sinamantala ni Art noong 1993 upang makapagtrabaho sa Saipan. Nagsimula siyang cook ng Chinese cuisine.
Matapos ang limang taon ay naisipan niyang umuwi sa Pilipinas upang magtayo ng sariling negosyo. Nagkaroon siya ng pwesto sa SM Foodcourt sa Manila kasosyo ang isang Korean. Unfortunately, nagkaroon ng problema sa supply kaya napilitan silang magsara.
This time, nagkaroon siya ng pagkakataong magtrabaho sa United Kingdom. Nanatili siya doon, hanggang noong 2019, naisipan niyang lumipat sa New York, USA.
“Tatlo ang trabaho ko sa NY,” ani Art. “Barista sa Starbucks sa umaga, chef sa isang restaurant sa hapon at bartender sa gabi. Nakakapagod, pero masaya,” dagdag pa niya.
Sa edad na 57 going 58 sa October, wala pa raw siyang balak na mag-asawa, ngunit mayroon siyang long-time girlfriend na nakabase sa Canada.
“Who knows? Maybe I’ll settle down someday,” aniya.
Ngunit mas priority raw niya ngayon ang pagtatayo ng negosyo sa kanyang hometown, sa Barrio Catandaan, Nasugbu, Batangas.
“Water refilling station at meatshop ang magiging negosyo ko,” Sabi pa niya. Ngunit iiwan daw niya ang pamamahala nito sa kanyang bunsong kapatid na si Nilo after one year. Babalik umano siya sa New York at magtatrabaho pa ng limang taon bago umuwi sa Pilipinas for good.
“I plan to enjoy my senior years,” sabi pa ni Art. “Travel-travel siguro dito sa Pilipinas at sa US.”
RLVN