HONEST MISTAKE SA ‘NO HOMEWORK POLICY?’

ORO MISMO

MARAMING guro ang nainsulto sa panukala ng isang mambabatas na pagbawalan ang mga titser na magbigay ng homework o takdang aralin sa mga estudyante.

Ayon kay Benjo Basas, National Chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition, ang bill na inihain sa Kamara na pagbawalan ang pagbibigay ng takdang-aralin o homework sa mga mag-aaral ay isang pambabalewala sa kanilang propesyon at isang insulto para sa kanilang hanay.

Sa House Bill No. 388, na inihain ni Que­zon City Rep. Alfred Vargas, ipagbabawal ang pagbibigay ng mga guro ng takdang-aralin sa mga es-tudyante sa elementary at high school tuwing weekend.

Pagmumultahin ng P50,000 ang mga lalabag at maaaring makulong ng hanggang dalawang  taon.

Subalit sa naging panayam sa radyo ni Kabayang Noli de Castro, biglang kambyo si Congressman Vargas, sinabi niya na siya ay nagkamali kung bakit naisama sa kanyang batas na paparusahan  at pagmumultahin ng 50K ang mga guro na hindi susunod sa batas.

Humingi siya ng patawad sa mga guro at sinabi niyang “honest mistake” ang kanyang nagawa. Nalito lang daw siya dahil ‘yung penalty na kanyang binabanggit ay para roon sa ibang panukalang batas na kanyang ihahain.

Matapos lumabas ang balitang ito, samu’t-saring reaksiyon ang a­ting narinig. Bagama’t may statement na ipina­labas ang DepEd na sila ay sang-ayon dito, may ilang magulang at lalo na ang mga guro ang hindi pabor.

Isang titser ang nagsabing, halos araw-araw siyang nagbibigay ng takdang-aralin sa mga estudyante sa elementarya dahil naniniwala siyang iyon ang paraan para talagang matutunan ng mga bata ang mga iti­nuro sa kanila sa klase.

Dito anila nahuhubog sa disiplina ang mga bata. Bukod doon, ‘yong pagiging responsable. Hindi raw kasi nagtatapos sa paaralan ang kanilang pagkatuto.

Ayon sa opinyon ng isang netizen na si Thezz Lim, “Para sa akin, weekends dapat may homework because they will have time to study together with their parents. Bonding time na rin. ‘Pag weekdays pagod na sila pag-uwi from school and working parents still not home.”

Isa pang netizen ang nagkomento, “There are more things to tackle than this insignificant topics. It only goes to show that your ideas are too shallow. Try to formulate bills that will help alleviate the poor or to solve traffic problems in Novaliches and Fairview.

Tama ang mga komento, ang policy sa pagbibigay o hindi ng homework sa mga estudyante ay trabaho na ng DepEd. Hindi na ‘yan dapat pag-aksayahan ng panahon ng ating mga mambabatas.

Mawalang galang na po, ang isang panukalang batas ng isang kongresista ay dapat na masusing nire-review muna ng kanyang political at legal staff bago ihain. Kailangan din ay magsagawa sila ng public consultation para ‘mapulsuhan’ ang kagustuhan o sentimiyento  ng publiko.

Ito dapat ang ginawa ng kongresista para hindi siya magmukhang engot sa harap ng mga bumoto sa kanya noong nakaraang eleksiyon.

Malinaw ba congressman ‘honest mistake?’

Comments are closed.