HONORARIUM SA SK MEMBERS ISA NANG BATAS

NILAGDAAN  na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11768 na magbibigay ng buwanang honorarium sa mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.

Sa ilalim ng batas, ang SK chairman ay bibigyan ng parehong pribilehiyong tinatanggap ng iba pang opisyal ng Sangguniang Barangay.

Tatanggap din ang SK members, treasurers, at secretary ng honorarium kada buwan na huhugutin sa Sangguniang Kabataan funds at hindi sosobra sa buwanang kompensasyon na tinatanggap ng kanilang chairperson.

Samantala, maaring magbigay ng dagdag na honorarium ang lokal na pamahalaan gayundin ang social welfare contributions at hazard pay sa SK chairperson at elected at appointed members sa pamamagitan ng kanilang sariling lokal na ordinansa at subject sa post audit jurisdiction ng COA

Kabilang naman sa pribilehiyo ng lahat ng mga opisyal ng SK ay ang pagiging exempted nila sa pagkuha ng National Service Training Program (NSTP).

Puwede silang magliban sa pagdalo ng kanilang regular na klase kung sila man ay pumapasok, kapag dadalo sa regular o special SK meetings, at sangguniang barangay sessions.