SUPORTADO ni opposition senator Risa Hontiveros-Baraquel ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kamakailan sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa pagsusulong nito na makapagtatag ng tinatawag na Department of Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa.
Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery & Cafe sa Quezon City, sinabi ng senadora na bagamat isa siya sa kilalang kritiko ng Pangulong Duterte, may ilang magagandang pahayag na binitiwan ang Pangulo sa kanyang nagdaang SONA katulad na lamang ng pagbuo ng isang kagawarang tututok sa mga problema ng dumaraming kababayang OFWs na nagtatrabaho sa abroad.
Aniya, napapanahon at kailangan ang ganitong hakbangin para matugunan ang samu’t saring isyu na kinakaharap na problema ng mga kababayang workers sa kanilang mga empoloyers sa ibayong dagat.
Bukod pa rito, positibo rin ang naging pananaw ng senadora sa mga naging pahayag ng Pangulong Duterte sa usapin ng National Land Use Act na aniya’y ilang dekada na ring napabayaan na kung saan ay kanya itong muling nai-file sa Senado.
Higit din dapat suportahan ang naging mensahe ng Pangulo sa isyu ng pagkontra sa paninigarilyo na may matinding epekto sa kalusugan ng bawat mamamayan kung kaya’t dapat na itong ipagbawal.
Sa kabila nito, tutol naman si Hontiveros sa pagsusulong ng parusang kamatayan mapa-heinous crime man ang kaprusahan dahilan sa ito aniya ay hindi epektibo, anti-poor at hindi makatao. BENEDICT ABAYGAR, JR.