HORNETS KINALDAG ANG WARRIORS

Hornets vs Warriors

UMISKOR si P.J. Washington ng 31 points, nagdagdag si Gordon Hayward ng 23 at muling sinira ng Charlotte Hornets ang annual homecoming game ni Stephen Curry sa pamamagitan ng 120-113 overtime win kontra Golden State Warriors noong Sabado ng gabi.

Nag-ambag si Kelly Oubre Jr ng 18 points para sa Hornets na tinalo ang Warriors sa ika-4 na sunod na taon sa Spectrum Center sa hometown ni Curry sa kabila na naglaro na wala ang starting backcourt nina LaMelo Ball at Terry Rozier.

Tumipa si Curry ng 31 points at kumalawit ng 11 rebounds upang pangunahan ang Warriors, subalit nagmintis sa tightly contested 3-pointer sa pagtatapos ng regulation na nagpanalo sana sa kanila sa laro. Na-air-ball din niya ang isang tres sa overtime at tumapos na may 3 of 13 mula sa arc.

PACERS 125, NETS 116

Kumana si rookie Bennedict Mathurin ng career-high 32 points, nag-ambag si Tyrese Haliburton ng 26 at ginapi ng Pacers ang Nets.

Gumawa si Mathurin, tumipa ng 27 points sa Detroit noong Oct. 22, ng career-best six sa 23 3-pointers ng Indiana.

Nagposte si Isaiah Jackson ng double-double na may 18 points at 10 rebounds at nagdagdag si Buddy Hield ng 17 para sa Pacers.

Umiskor si Kyrie Irving ng 35 points sa 13 for 22 shooting mula sa field para sa Nets, na natalo sa kanilang huling apat na laro. Hinayaan ng depensa ng Brooklyn ang 124.5 points per game sa kanilang four-game skid.

KINGS 119, HEAT 113

Tumirada si Kevin Huerter ng 27 points, isinalpak ang pitong 3-pointers, upang tulungan ang Kings na manalo sa unang pagkakataon ngayong season sa pagdispatsa sa Heat.

Ito ang unang panalo para kay Kings coach Mike Brown, na kinuha nitong nakalipas na offseason. Ang Los Angles Lakers ang huling winless team sa NBA.

Nagbuhos si Kings rookie Keegan Murray ng career-best 22 points.

Pinangunahan ni Tyler Herro ang Heat na may 34 points, kabilang ang limang 3-pointers.

BUCKS 123, HAWKS 115

Kumubra sina Giannis Antetokounmpo at Jrue Holiday ng tig-34 points para pangunahan ang Bucks sa panalo kontra Hawks at manatiling walang talo.

Naitala ni Antetokounmpo ang 30 sa kanyang 34 points matapos ang halftime at kumalawit din ng 17 rebounds. Nagbigay rin si Holiday ng 12 assists at nalusutan ng Bucks ang 42-point effort ni Trae Young upang umangat sa 5-0.

Kumabig si Dejounte Murray ng 21, nagposte si Hunter ng 14 at tumipa si Clint Capela ng 11 para sa Hawks.

Sa iba pang laro, pinaamo ng 76ers ang Bulls, 114-109; ginapi ng Thunder ang Mavericks, 117-111 sa OT; at naungusan ng Jazz ang Grizzlies, 124-123.