HOSPITALS NA ‘DI SUSUNOD SA UNIVERSAL HEALTH CARE LAW, KAKASUHAN

Hospitals

NAGBABALA ang isang kongresista na posibleng maharap sa criminal liability ang mga ospital na hindi susunod sa implementas­yon ng Universal Health Care (UHC) Law.

Ito ay kasunod ng banta ng 600 private hospitals na hindi na magre-renew ng accreditation sa PhilHealth dahil sa umano’y hindi nabayarang claims na aabot sa P2.5 billion.

Giit ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor, isang krimen ang hindi pakikibahagi ng mga ospital sa UHCL at malaki ang magiging epekto nito sa libo-libong mahihirap na Filipino na umaasa sa mabilis na access sa health care.

Sinabi ni Defensor na kung isasabotahe ng mga ospital ang UHCL ay dapat na maharap ang mga ito sa multa at kaso.

Sakali mang hindi tumupad ang mga private hospitals sa UHCL ay hindi siya magdadalawang isip na magpasa ng resolusyon para lagyan ng penal provision ang batas.

Sang-ayon din ang kongresista sa plano ng PhilHealth na linisin ang mga fake claims na nakakaubos sa pondo ng ahensiya.

Dapat din aniyang higpitan na ito at ga­wing computerized upang sa gayon ay maging ma­linaw kung anong health claims na ginagamit at binabayaran ng PhilHealth sa mga ospital. CONDE BATAC

Comments are closed.