PAPALAPIT na ang Kapaskuhan, kaliwa’t kanan na ang selebrasyon partikular diyan sa siyudad ng Makati, lalo na tuwing sumasapit ang gabi.
Kamakailan lamang ay nakatanggap tayo mula sa isa nating mapagkakatiwalaang impormante na isang gusali pala riyan sa Makati City ang pinamumugaran ng mga nagbebenta ng tinatawag nilang Vitamin E as in ‘ecstacy’.
Opo! Mantakin ninyo, madalas ay may heavy activity sa tuktok ng gusali na animo’y may isang tent kung saan may nangyayaring bentahan ng party drugs at high grade pa ang ecstacy in liquid form sa naturang lugar na kinalolokohan ng mga parokyanong mahilig pumunta riyan sa pinakatuktok ng isang hostel.
Natuklasan pa ng aming impormante na hawak ito ng isang abogado na dating naka-assign sa Ombudsman na may sarili palang opisina ito sa loob ng naturang hostel.
Naturingan pa man ding kapangalan ng isang santo ang kalsada riyan sa bahagi ng Poblacion, Makati kung saan nagagamit pa sa talamak na prostitusyon ng hinayupak na kaapelyido pa ng isang insekto!
Pinaniniwalaang nasa hanay umano ito ng ‘untouchables’ kung kaya ilang taon na ring namamayagpag ang ilegal na operasyon ng naturang hostel.
Hinihinalang nagagamit din ang nasabing hostel sa POGO kung kaya kapansin-pansin din ang pagdami ng mga Chinese national sa loob ng gusali na maaari ring silipin ng Bureau of Immigration (BI).
Kaya naman ating kinakalampag ang pamunuan ng PDEA at PNP na pagtuunan ng pansin ang bagay na ito bago pa man lumala o maging kilos ‘Zombies’ ang mga parokyanong nagpa-party sa nagaganap na ilegal na aktibidad sa lugar para naman ating mapatunayan na hindi lamang mga mahihirap na mamamayan ang tinatamaan ng kampanya ng ating pamahalaan patungkol sa war on drugs kundi dapat masampolan din ang mga mayayamang sumasawsaw sa ilegal na droga katulad na lamang ng pagkakadawit nitong hostel na ito sa naturang lungsod.
Comments are closed.