NAKUMPISKA ang halos 664 kilo ng “hot” dressed chicken meat kamakailan sa loob ng fish terminal sa Dumaguete City dahil sa paglabag sa Department of Agriculture Administrative Order No. 6, series of 2012, na kilala rin bilang “rules and regulations on hygienic handling of chilled frozen at thawed meat in markets.”
Napansin ng dalawang meat inspectors na sina Gerard Arafols at Eduardo Llosa, ang discoloration ng dressed chicken maliban pa sa masamang amoy nito, na siyang nagtulak sa kanila para kumpiskahin ang umano’y “hot meat” na nakalagay sa 27 na tray.
Dumating ang “hot” chicken meat sa fish terminal sakay ng isang multi-cab na pag-aari ni Brendon Desor, residente ng Barangay San Antonio, bayan ng Sibulan, na walang certificate of meat inspection.
Nagbigay agad ng order si city veterinarian Dr. Lourdes Socorro na kumpiskahin ang mga ito dahil hindi na bagay o ligtas para kainin ng tao at dahil na rin sa paglabag sa probisyon ng Meat Inspection Code of the Philippines.
Ang karne ay may tag na “Renelyn”, na kinuha umano sa Mandaue City, Cebu.
Inilagak agad ang 664 kilo ng karne ng manok sa isang condemned pit ng katayan ng siyudad sa Barangay Bajumpandan.
Binantayan ni Charles Tubog, head of the meat inspectors sa ilalim ng city veterinary office, ang pag-tatapon. PNA
Comments are closed.