BINIGYAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol Field Office ng hot meals o mainit na pagkain ang 618 na mga pasaherong stranded sa iba’t-ibang pantalan sa Lalawigan ng Masbate, Sorsogon at Albay nitong Lunes ng umaga, Setyembre 2.
Sa pamumuno ni Regional Director Norman Laurio, ang Disaster Risk Management Division (DRMD) ay agarang nagmobilisa ng mga panglalawigan, panglungsod at pambayang action teams para sa mabilis at maayos na pagtugon.
Inutusan niya ang agarang paglabas ng mga naka-preposition na goods sa mga apektadong lalawigan.
Ang mga food packs ay niluto upang ibigay sa mga strandees katuwang ang mga lokal na pamahalaan na nagbigay din ng mga pagkain at suporta sa logistics.
Ang nasabing mga indibidwal ay stranded mula pa kahapon sa mga pantalan at hindi makabiyahe dahil sa Bagyong Enteng.
Bilang paghahanda para sa resource augmentation, may kabuuang 129,243 Family Food Packs at 78,283 non-food relief items na naka-preposition at handang ipamahagi sa mga LGU at regional warehouses sa Bicol.
RUBEN FUENTES