Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – TNT vs Converge
7:30 p.m. – Phoenix vs Rain or Shine
NAGING matatag ang Magnolia sa stretch sa pagkakataong ito upang maitakas ang 89-84 panalo laban sa wala pang panalong Terrafirma at maibalik ang kanilang winning ways sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Naging malupit ang Hotshots sa pagtanggap kay Terrence Romeo sa kanyang debut sa Terrafirma at ipinalasap sa Dyip ang ika-9 na sunod na kabiguan sa parehong dami ng laro.
Maagang dinomina ni import Ricardo Ratliffe ang laro at tumapos na may 32 points at 14 rebounds para sa Hotshots na binuhay ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs sa ikatlong panalo sa walong laro habang sinibak ang Dyip sa quarterfinal contention.
Si Romeo ay sumalang sa kanyang unang laro sa Terrafirma makaraang dumating sa koponan sa isang trade sa San Miguel sa offseason. Tumapos siya na may 3 points sa 13 minutong paglalaro.
Sinelyuhan ni Ratliffe ang dikit na panalo para sa Magnolia sa isang post-up move, may 29.3 segundo ang nalalabi. Ang Magnolia import ay agresibo mula umpisa at gumawa agad ng 16 points sa first half.
Sinabi ni Hotshots coach Chito Victolero na itinuturing ng kanyang tropa ang kanilang nalalabing mga laro na must-wins, kabilang ang showdown kontra Terrafirma.
“It’s a matter of who wants it more because their backs are also against the wall, do-or-die situation also for Terrafirma,” sabi ni Victolero.
“It’s another grinding game for us. Siguro diyan na kami, ‘yan na ‘yung tema ng mga games namin, always close game. So this time, we closed out the game,” aniya.
Ang tinutukoy ng Magnolia coach ay ang kanilang Christmas Clasico game laban sa Barangay Ginebra kung saan nasayang nila ang 22-point lead bago yumuko sa kanilang kalaban, 95-92, sa buzzer-beating three ni Scottie Thompson.
Nagtala si Zav Lucero ng 17 points habang bumuslo ng 12-for-12 mula sa free throw line, habang nagdagdag si Ian Sangalang ng 13 points at 7 rebounds para sa Hotshots.
Isinalpak ni Lucero ang dalawang free throws, kumamada si Aris Dionisio ng tres, at umiskor si Ratliffe ng lay-up, may apat na minuto ang nalalabi, sa 7-0 run matapos ang huling pagbabanta ng Terrafirma kung saan naitabla nito ang talaan sa 75-75.
“We executed well and we were disciplined down the stretch. We found the right guy in the last few seconds of the game. I think credit to the players because there is pressure, but they executed on both ends of the floor,” sabi ni Victolero.
Nagposte si Stanley Pringle ng 22 points at 5 rebounds para sa Dyip, habang nahirapan si Brandon Edwards sa pagbuslo lamang ng 5-for-13 mula sa field at tumapos na may 14 points at 8 rebounds.
Iskor:
Magnolia (89) – Ratliffe 32, Lucero 17, Sangalang 13, Lastimosa 11, Dionisio 8, Barroca 4, Ahanmisi 2, Alfaro 2, Mendoza 0, Laput 0, Balanza 0, Abueva 0, Dela Rosa 0.
Terrafirma (84) – Pringle 22, Edwards 14, Ferrer 11, Nonoy 8, Paraiso 7, Manuel 6, Sangalang 6, Catapusan 5, Romeo 3, Carino 2, Hernandez 0, Melecio 0, Ramos 0.
Quarters: 28-25; 41-40; 68-66; 89-84.