HOTSHOTS BUHAY PA

hotshots

NAKAIWAS ang Magnolia Chicken Timplados Hotshots sa pagkakasibak makaraang maitakas ang 105-97 panalo kontra defending champion TNT Tropang Giga sa Game 5 ng kanilang best-of-seven semifinals series sa 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Makaraang umiskor lamang ng 5 points sa kanilang huling laro, nagbuhos si Mark Barroca ng 25 , 16 ay sa first half na nagbigay sa Hotshots ng momentum para lumamang ng hanggang 16 points ng tatlong beses.

Binigyang kredito rin ni Barroca ang kanyang teammates sa kanilang panalo. “Maging aggressive lang din ako, maging smart sa game, pero di lang naman ako,” aniya.

“Kasi nga kailangan ko rin mga kasama ko. Dapat lahat kami aggressive dahil down kami, kailangan naming kumuha ng momentum start pa lang ng game.”

Tulad ng inaasahan ay humabol ang Tropang Giga na naglapit sa kanila sa tatlong puntos papasok sa huling apat na minuto ng laro. Subalit ang near-triple ni Barroca ang nagsindi sa 10-5 windup ng Magnolia na nagresulta sa 2-3 deficit sa best-of-seven duel.

Maaaring tapusin ng TNT ang series sa Linggo, subalit ang manatiling humihinga pa sa conference ay sapat na para matuwa si Magnolia coach Chito Victolero.

“Just credit to all the players. Backs against the wall, do-or-die, but our mental toughness nandoon,” sabi ni Victolero, pinuri ang depensa ng Hotshots, lalo na papasok sa huling dalawang minuto ng laro.

“Talagang trinabaho namin ito from our preparations yesterday until today,” dagdag ni Victolero. “We lived another day so wala kaming dapat i-celebrate because down pa rin kami sa series.”

Naging susi rin sa panalo ng Magnolia sina Calvin Abueva (16 points at 10 rebounds), Ian Sangalang (16 at 7 rebounds) at Paul Lee (16 at 6).

Maging sina Rome dela Rosa at Adrian Wong ay malaki rin ang naitulong nang malimitahan si Mikey Williams sa 13 points lamang sa 5-for-16 field shooting. Ang main offensive weapon ng TNT ay may 6 assists ngunit gumawa ng 4 turnovers.

Sa ikalawang laro, kinuha ng San Miguel Beer ang 3-2 lead makaraang gapiin ang Meralco, 89-78, sa kanilang sariling best-of-seven semis series.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Unang laro:
Magnolia (105) – Barroca 25, Abueva 16, Lee 16, Sangalang 16, Jalalon 15, Dionisio 10, Dela Rosa 3, Reavis 2, Escoto 2, Wong 0.
TNT (97) – Castro 18, Rosario 17, Erram 16, M.Williams 13, Pogoy 13, Khobuntin 12, K.Williams 6, Montalbo 2, Reyes 0, Ganuelas-Rosser.
QS: 28-26, 59-45, 81-73, 105-97
Ikalawang laro:
San Miguel (89) – Perez 24, Cruz 17, Fajardo 12, Tautuaa 9, Enciso 8, Manuel 6, Lassiter 5, Brondial 5, Ross 0, Herndon 0.
Meralco (78) – Newsome 24, Maliksi 12, Hodge 11, Quinto 11, Almazan 8, Black 6, Pascual 2, Banchero 2, Hugnatan 2, Jose 0, Baclao 0.
QS: 25-22, 41-44, 67-56, 89-78