Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – NorthPort vs Terrafirma
5:45 p.m. – Rain or Shine vs Magnolia
TARGET ng Magnolia ang ika-4 na panalo sa pitong laro sa pakikipagtipan sa Rain or Shine, na asam na mahila ang kanilang winning run sa tatlo sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Philsport Arena sa Pasig.
Nakatakda ang salpukan ng Hotshots at Elasto Painters sa alas-5:45 ng hapon matapos ang 3 p.m. showdown ng Dyip at Batang Pier.
Mataas ang morale at fighting spirit ng Magnolia sa panalo kontra defending champion Barangay Ginebra, 118-88, sa kanilang huling laro. Kung mananalo ay aangat ang Hotshots sa 4-3 kartada sa ika-5 puwesto at lalapit ng tatlong laro para makausad sa quarterfinals at palakasin ang ikalawang title campaign ni coach Chito Victolero.
Ang league leading Talk ‘N Text (8-2) at San Miguel Beer (7-2) ang unang dalawang koponan na nakapasok sa quarterfinals.
“We have to win this game to solidify our quarterfinals bid. RoS is a tough nut to crack. We have to win at all cost to bolster our campaign in the next round,” sabi ni Victolero.
Tulad ng Magnolia, galing din sa panalo ang RoS laban sa Terraflrma, 120-118, at gagamitin itong tuntungan ni coach Yeng Guiao at ng Elasto Painters para palakasin ang kanilang title bid at makabalik sa “winners’ circle” na matagal na hindi nila natamasa.
Masusubukan si bagong import Antonio Hester kung kaya niyang muling dalhin sa panalo ang Magnolia sa una niyang pakikipagharap kay Greg Smith.
Pinalitan ni Hester si Erik McRee at matagumpay ang kanyang debut matapos pangunahan ang Magnolia sa panalo laban sa Barangay Ginebra.
Nakahandang umalalay kay Hester sina Paul Lee, Marc Andy Barroca, Cavin Abueva, Jio Jalalon, Rome de la Rosa at Ian Sangalang, kontra tropa ng RoS na kinabibilangan nina Rey Mambatac, Glen Mamuyac, Gabe Norwood, Anton Asisatio, Andrei Caracut, Leonard Santillan at Jewel Ponferrada.
Sa kabila na lamang sa kartada (2-5), kailangang maglaro nang husto ang Dyip para masiguro ang panalo laban sa Batang Pier na determinadong manalo at makaahon sa malalalim na hukay matapos na matalo ng anim na sunod (0-6) sa ilalim ni coach Bonnie Tan.
Pinalitan ni Tan si Pido Jarencio na nagsilbing coach ng North Port magmula noong 2012.
CLYDE MARIANO