HOTSHOTS MAGPAPALAKAS SA TOP 4

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)

4:30 p.m. – Rain or Shine vs NorthPort

7:30 p.m. – Magnolia vs Blackwater

SISIKAPIN ng Magnolia na mapahigpit ang kapit sa No. 4 spot habang pipilitin ng Blackwater na tapusin ang kanilang  four-game slump sa kanilang krusyal na salpukan sa PBA Philippine Cup ngayong Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium.

Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi matapos ang sagupaan ng Rain or Shine at NorthPort sa alas-4:30 ng hapon.

Ang Hotshots, ang Commissioner’s Cup runners-up, ay nakarekober mula sa back-to-back losses, makaraang magkasunod na pataubin ang NorthPort Batang Pier at ang Phoenix Super LPG Fuel Masters upang makabalik sa magandang posisyon sa karera para sa Top 2 sa 3-2.

At sa kanilang mainit na run, si Mark Barroca at ang kanyang teammates ang paborito laban sa Blackwater side (3-4) na nawala sa Magic 8 matapos ang apat na sunod na kabiguan.

Subalit walang plano si Magnolia coach Chito Victolero na magkumpiyansa, at sinabing ang kanilang mindset ay ang maging handa sa giyera kada laro.

“Hindi mo ma-predict ang PBA games ngayon. If you’re not prepared, even the elite teams for that matter, hindi nakakasiguro ng panalo,” ani Victolero.

“That’s why you have to be in proper mindset. As for us, we compete every single day in practice in the hope na madala namin ‘yan sa actual game,” dagdag ni Victolero.

Naniniwala ang Hotshots na ang Blackwater ay isang mapanganib na kalaban kahit galing ito sa apat na sunod na talo matapos ang 3-0 conference start.

Mula sa promising start, ang Bossing ay magkakasunod na natalo sa NLEX Road Warriors (103-97), Terrafirma Dyip (92-91), Rain or Shine Elasto Painters (110-103) at Barangay Ginebra Kings (105-86).        

CLYDE MARIANO