Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Center- Pasig)
5 p.m. – Blackwater vs Terrafirma
7:30 p.m. – Converge vs Magnolia
MAGAAN na dinispatsa ng Magnolia ang Blackwater, 117-83, sa PBA On Tour nitong Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagsanib-puwersa sina Abu Tratter, hinugot sa Converge noong nakaraang buwan, veteran Mark Barroca at Jerrick Ahanmisi sa pagtala ng tig-14 puntos upang pangunahan ang Hotshots. Nagdagdag si Tratter 7 rebounds.
Nag-ambag si James Laput, kinuha sa isang trade sa Terrafirma noong late 2021, ng double-double na 12 points at 12 rebounds habang nagbigay ng 4 assists at nagtala ng 2 blocked shots na pumunan sa pagliban nina fellow frontliners Ian Sangalang at Russell Escoto.
Maaari na ngayong asahan ng Magnolia ang Tratter at Laput combo, o isa sa kanila ay itambal kay Sangalang sa sandaling tuluyang makabawi mula sa thyroid illness at maaari nang maglaro.
Tiyak na inaabangan na ni Laput ang ganitong scenarios. “He (Tratter) has been a great addition to our team, him and David (Murrell),” aniya.
“They just bought into the system, they bought into the culture. They both know what’s expected of them and we’re just here to support them. He is just a great teammate along this journey,” dagdag ni Laput.
Nakakuha rin ng suporta ang Magnolia kay Aris Dionisio na tumapos na may 12 points, tampok ang slam dunk mula sa steal ni Murrell, habang nagdagdag si Paul Lee ng 11 points at gumawa si Joseph Eriobu, iniangat mula sa 3X3 team ng Magnolia, ng 10 points kasama si Jackson Corpuz.
Kumabig si James Sena ng 11 points upang pangunahan ang Blackwater. Nagdagdag sina Rashawn McCarthy at RK Ilagan ng tig- 10 points para sa Bossing, na nabigong masundan ang 93-88 panalo kontra NLEX noong nakaraang linggo.
-CLYDE MARIANO