Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Terrafirma vs Magnolia
7:30 p.m. – NLEX vs Meralco
ANG paulit-ulit na kabiguan na mahanap ang winning line sa endgame ay walang dudang nagpahirap sa Magnolia sa PBA Commissioner’s Cup.
Ngayon ay umigting ang pangangailangan ng Hotshots sa madaling pagkilos sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa bagong taon laban sa Terrafirma ngayong Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Ninoy Aquino Stadium.
“Backs against the wall na kami. We have five remaining games so we cannot afford to lose any of them,” wika ni Magnolia coach Chito Victolero, na ang koponan ay tinapos ang 2024 na may 2-5 kartada.
“Ang pinag-uusapan namin dito, if we can win all of those, much better. Pero ang goal muna namin is to take them one game at a time starting with that one on Friday,” dagdag ni Victolero.
Sa unang sulyap, tila madaling makukuha ng Hotshots ang much-needed win dahil ang makakalaban nila ay ang koponan na hindi pa nananalo sa walong laro at nasa bingit ng pagkakasibak.
Gayunman ay iginiit ni Victolero na wala silang planong magkampante.
“Kahit nag-i-struggle Terrafirma, may mga instances na they can put produce 30-plus points in any given quarter so dangerous pa rin iyan,” aniya.
“Ang problema lang, madalas na they can get off to a good start pero parang nawawala sila, usually sa second half. Pero hindi sila puwedeng i-take lightly dahil nga baka matiyempuhan ka.”
Bukod dito, sinabi ni Victolero na ang kanyang tropa ay may sariling alalahanin na nagiging sanhi ng kanilang pagkatalo ng average na 3 points. “If you look at the numbers, nasa upper half kami in terms of points for and points allowed,” aniya.
“Ang problema namin is the endgame. Hindi kami maka-close out ng game, which is parang nakakabigla kasi iyun ‘yung strength namin before because we’re a good defensive team plus the fact that we have players who can close the game, mga clutch players.”
Dapat gampanan ng mga tulad nina Mark Barroca, Ian Sangalang, Zavier Lucero, Jerom Lastimosa at Ricardo Ratliffe ang naturang papel dahil may injury si Paul Lee at ang kanyang puwesto sa rotation ay kinuha muna ni rookie Peter Alfaro
Ang isang bagay na nagbibigay kay Victolero ng kumpiyansa ay ang overall attitude ng kanyang players. “All the lessons learned from our mistakes, failures, unlucky breaks ng game, gagawin na lang naming mga positives iyon for these coming games.”
“Positive naman mga players, although ayun nga, masakit mga talo namin,” dagdag ni Victolero.
“Saka our destiny remains in our hands. Sabi ko nga sa kanila, try to dig deep and grind it out in our next games and let’s see.”
Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan ang Meralco at NLEX.