HOUSE LEADERSHIP TAPOS NA (PRRD nirespeto ang boto ng mga kongresista)

DUTERTE-41

TULUYAN nang dumistansiya si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng liderato ng Kamara kasabay ng pagbibigay – respeto sa pagbasura ng mga mambabatas sa inalok na pag- bibitiw ni Speaker Alan Cayetano noong Miyerkoles bilang lider ng Kamara.Binigyang-diin ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa isang press conference matapos nitong kumpirmahin ang muling pagkikita ng Pangulo at ni Cayetano sa Malakanyang noong Miyerkoles ng gabi. Kasama ni Cayetano sina Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva, Sen. Pia Cayetano at ang misis nitong si CongW. Lani Cayetano. Nasa pulong din si Sen. Bong Go.

Iginiit ni Roque na personal niyang tinanong ang Pangulo tungkol sa isyu ng House leadership at sinabi umano nito na “stay-out tayo diyan dahil ito ay internal matter sa pagitan ng mga mambabatas.”

“Stay out tayo diyan, no comment tayo diyan, that’s purely an internal matter of the House,” ayon pa kay Roque na, aniya, ay sinabi ni Duterte sa kanya.

Ipinahayag din ni Roque na sa kanyang palagay ay tapos na ang kontrobersiya tungkol sa House leadership batay sa ginawang pagbasura ng Kamara  sa pagbibitiw ni Cayetano.

“I believe the House controversy is over.”

Sinabi pa ni Roque na ipinauubaya  na ni Duterte ang desisyon tungkol sa House leadership sa bawat miyembro ng Kamara. “The president has left the decision on the House leadership to the individual members of the House of Representatives.”

Matatandaan na ipinatawag ni Duterte sina Cayetano at Cong. Lord Velasco noong Martes sa Palasyo upang pag-usapan ang term-sharing sa liderato ng Kamara. Napag-alaman na sinabihan ni Duterte si Velasco na sa Disyembre na lang siya umupo bilang speaker dahil tinatalakay pa ang 2021 national budget sa Kamara ngunit ipinilit umano ni Velasco na sa Oktobre 14 dapat gawin ang palitan ng House leadership.

Noong Miyerkoles ay nagsalita si Cayetano sa sesyon ng Kamara at ibinulgar nito ang detalye ng pag-uusap sa Palasyo,  kasama na rito ang pagpupumilit ni Velasco na maupo bilang speaker sa ilalim ng kanilang term-sharing agreement.

Minabuti ni Cayetano na bumaba na sa puwesto noong Miyerkoles at nag-alok ng kanyang resignasyon bilang lider ng Kamara ngunit nag-mosyon si partylist Cong. Mike Defensor na ibasura ang pagbibitiw ni Cayetano.

Nasa 184 solons  ang tumanggi na magbitiw si Cayetano, 9 ang nag/abstain habang  isang  lang ang umayon na ito ay magbitiw.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kongreso na may nagbitiw na Speaker of the House ngunit tinanggihan ng mga kapwa mambabatas nito. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.