HOUSE O HOSPITAL ARREST HIRIT NG KAMPO NI PASTOR QUIBOLOY

HINIHIRIT ng legal team ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy ang house o hospital arrest habang inihahanda ng Pasig Regional Trial Court ang isang qualified human trafficking na kaso laban sa kanya.

“It’s pending now, we are pursuing it. And as a matter of fact, we will be filing a supplemental motion to that effect to show that there is an urgent need for him to be, either in a hospital arrest or in a house arrest,” ayon kay Atty. Israelito Torreon, legal lawyer ng KOJC.

Ayon sa abogado, may doktor si Quiboloy na sumusuri sa kanya araw-araw at idinagdag na ang kontrobersyal na pastor ay “umaasa na matapos ang mga paglilitis upang muli niyang makamit ang kanyang kalayaan.”

Tumanggi si Torreon na magbigay ng detalye sa kondisyong medikal ni Quiboloy.

Ang mga partido ay nasa proseso ng paghahanda para sa paglilitis, kung saan ang legal team ng KOJC at ang prosekusyon ay dumalo sa pre-conference at pre-marking session sa Pasig Regional Trial Court Branch 159 nitong Miyerkules.

“On the part of the prosecution, they marked their exhibits. On the part of the accused, we also marked the exhibits. It just so happens that we have voluminous exhibits, so we ended up to Exhibit 13 and we still have to mark other exhibits,” ani Torreon.

Ang pre-trial ay nananatiling naka-iskedyul para sa Oktubre 17.

Si Quiboloy na kasalukuyang nakakulong sa Philippine National Police (PNP) custodial facility sa Camp Crame ay dumalo sa pagdinig sa pamamagitan ng videoconference.

Sinabi ni Torreon na ang pastor ay hindi kinakailangang pisikal na naroroon para sa mga paglilitis.

Itinakda rin sa Huwebes sa Quezon City RTC Branch 106 ang pre-marking ng ebidensya para sa kasong sexual abuse ni Quiboloy.

Si Quiboloy at ang mga kapwa nito akusado ay nagpasok ng “not guilty” plea sa kanilang arraignment noong Set­yembre 13.

EVELYN GARCIA