INIHAIN ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang isang resolusyon na nagsusulong na magsagawa ang Kamara ng sarili nitong imbestigasyon sa nangyaring ‘temporary shutdown’ ng Philippine airspace sa mismong unang araw ng taong 2023.
Pagbibigay-diin ng ranking lady House official, upang matiyak na hindi na mauulit ang insidente, na nagdulot ng napakalaking aberya sa daang libong domestic at international passengers na stranded sa iba’t ibang paliparan sa buong bansa, kinakailangang magkaroon ng malalimang House probe dito.
“There is clearly something wrong here, and we must get to the bottom of it so we can prevent a repeat of that awful day. This must not happen again,” pahayag pa ni Herrera.
Sa kanyang resolusyon, iginiit ng Bagong Henerasyon party-list solon na bukod sa pagbuo ng kaukulang remedial legislation, aalamin din sa gagawing Congressional inquiry kung sino ang dapat na managot sa naturang pangyayari.
“So far, no one has owned up to this unfortunate and embarrassing incident. Those responsible for this fiasco must be held accountable,” dagdag pa niya. n
Mayroon ding inihain na HR 672, na nananawagan sa House leadership na atasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability nito na busisiin ang malaking perwisyong idinulot ng napaulat na “malfunction and shutdown” ng bagong Communications, Navigation and Surveillance (CNS) system para sa Air Traffic Management (ATM) ng Ninoy International Airport (NAIA) nitong Enero 1.
Nakasaad sa HR 672 na noong January 16, 2018 nang isagawa ang inauguration ng bagong CNS-ATM systems ng NAIA, na pinondoahan ng P228 million loan agreement mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at P122.27 million naman sa ilalim ng 2017 General Appropriations Act (GAA).
Giit pa sa nasabing resolusyon, kung mayroon namang sapat na pondo at nakapagsasagawa ng regular audit at assessment sa kapasidad ng naturang navigational system, maaaring naiwasan ang nasabing shutdown, dahilan para malagay sa peligro ang national security at magresulta rin sa malaking pagkalugi sa turismo ng bansa, gayundin sa local at international airlines industry.
ROMER R. BUTUYAN