LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni dating Pangulo at kasalukuyang Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng dredging equipment na inaasahang magtatanggal sa takot ng mga Bulakenyo tuwing may pagbaha sa ginanap na “Turn over of Dredging Equipment” sa tabi ng Labangan Bridge, Iba Este, Calumpit, Bulacan kamakailan.
Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, nagpasalamat si Vice Governor Daniel Fernando kay Arroyo sa napapanahon nitong regalo sa lalawigan.
“Napakalaki pong grasya po ito na ipinagkaloob sa amin at sa aming lalawigan. Malaking tulong po ito sapagkat sa panahon ngayon ay talaga naman pong kitang-kita natin na kaunting ulan lamang ay binabaha na ang bayan ng Calumpit, ang bayan ng Hagonoy, ang bayan ng Marilao, at ang bayan ng Meycauayan,” ani Fernando.
Samantala, kinilala ng kinatawan ng Unang Distrito ng Bulacan Jonathan R. Sy-Alvarado ang agarang pagtugon ng House Speaker sa hinaing ng mga umaasang Bulakenyo para sa solusyon kaugnay ng pagbaha sa lalawigan.
“Sa lahat po ng pagod nang maglagay ng ointment sa paa sa dami ng alipunga, sa lahat po ng ilang beses ng kinakabahan na baka magkaroon ng leptospirosis tuwing lumulusong sa baha, ito pong pagdadala rito ni Speaker GMA ng dredger, ito na po ang solusyon sa ating mahabang panahon nang problema,” anang kongresista.
Ayon kay Francis Nuñez mula sa Bureau of Equipment ng Department of Public Works and Highways, ang multi-purpose amphibious dredger na ipinagkaloob sa bayan ng Calumpit ang pinakabagong modelo mula sa Finland at inaasahang magtatanggal ng 165 cubic meter kada oras na dredged materials mula sa kailugan. A. BORLONGAN
Comments are closed.