BUKOD sa pagtutok sa mga panukalang batas na makakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino, abala rin ang Office of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre sa pagtulong sa mahihirap na mga Pilipino.
Nakipag-partnership ang kanilang mga tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapaghatid ng tulong sa libu-libong nangangailangan.
Kamakailan ay nabigyan ng tig-P3,000 cash assistance ang may 100 benepisyaryo sa Brgy. Tubuan, Datu Blah Sinsuat Maguindanao Del Norte.
Nasundan ito ng pagbubukas naman ng Alagang Tingog Center (ATC) sa mga bayan ng Sta. Cruz, Candelaria, San Narciso, Masinloc, at San Felipe sa lalawigan ng Zambales sa tulong ni Rep. Doris E. Maniquiz.
Sinabi ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., na siyang kumatawan kay Speaker Romualdez na mayroon ding kusina ang ATC para makapagbigay ng pagkain sa mga nagugutom.
Sinabi naman ni Acidre na sila na ang lumalapit sa mga nangangailangan para mapabilis ang pagtulong sa mga ito bilang sukli sa suporta na kanilang inibigay sa Tingog party-list sa nakaraang eleksyon.
“Panahon na para ibalik ang suporta ninyo sa Tingog Partylist at sa Office of the Speaker,” ani Acidre. “Kadalasan kami mga tiga Visayas ay lumilibot upang makahanap ng oppotunidad, ngayon kami ngayon Sa Tingog partylist naman ay lumilibot at nag tatayo ng Alagang Tingog Centers upang kami naman ang maglapit ng tulong ng gobyerno sa inyo.”
Ang mga ATC ay itinayo upang magsilbing one-stop-shop para sa mga humihingi ng tulong sa gobyerno gaya ng medical support, burial aid, educational resources, cash benefits, at iba pa.
Matapos ang opisyal na pagbubukas ng mga ATC ay nagsagawa ng payout ang DSWD.
Nakatanggap ng tig-P2,000 cash assistance ang 1,031 benepisyaryo na taga-Candelaria, Sta. Cruz, at Masinloc.
Sa Botolan People’s Plaza ay namigay naman ng 50 computer laptop at nasa 1,538 residente ng Palauig, Iba, Botolan, at Cabangan ang nabigyan ng tig-P2,000 tulong pinansyal.
Ang mga atleta ng Zambales ay binigyan ng Office of the Speaker at Tingog ng tig-P3,000 bilang congratulatory gesture.
Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, barangay, paaralan, at mga residente ng iba’t ibang bayan sa kaloob na tulong sa kanila ng tanggapan ni Speaker Romualdez at Tingog party-list.