BINAHAY-BAHAY ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pagche-check ng may mga sintomas ng COVID-19 upang mapigilan na ang pagkalat ng naturang virus.
Pinangunahan ni Miko Llorca ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) kasama ang kanyang team ang pagbabahay-bahay para isagawa ang symptoms check ng may report na kaso ng COVID-19.
Sa pagbabahay-bahay ng team ni Llorca ay nakapagtala ang grupo ng 102 aktibong kaso ng COVID-19 noong Nobyembre 1 kung saan ang apat dito ay bagong kaso.
Sa panayam naman kay Llorca, sinabi nito na bukod sa pagsasagawa ng house-to-house symptoms check ay nagsasagawa rin sila ng mass testing sa mga lugar o barangay na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 pati na rin ang pagsasagawa ng contact tracing.
Sinabi ni Llorca na kanilang pagsasagawa ng kakaibang stratehiya sa paghanap ng mga indibidwal na may kaso ng COVID-19, bukod sa 10 kabahayan na kanilang nadiskubre na may kaso ng COVID-19 ay isinasagawa rin nila ang pagcheck sa 40 kabahayan na nakapalibot sa bahay ng may nagpositibo sa virus.
Ang kanilang kakaibang stratehiya ay nakatulong sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Kaya’t muli ang panawagan sa mga natitirang residente ng lungsod na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagpapabakuna ay magpaturok na ng COVID-19 vaccine para na rin sa kanilang mga proteksyon.
Sa kasalukuyan ay nakapagturok na ang lokal na pamahalaan ng 518,646 vaccines sa mga residente laban sa COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ