HOUSE-TO-HOUSE IMMUNIZATION SA SANGGOL AT MENOR DE EDAD

SA pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) ay muling isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagbibigay ng house-to-house routine immunization ng mga sanggol at menor de edad na mga residente makaraang maipatigil ito dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila bunsod ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Sa opisyal na Facebook post ng lokal na pamahalaan, sinabi ng Makati Health Department (MHD) na ang mga magulang ay hinikayat na pabakunahan na ang kanilang mga anak ng mga bakuna tulad ng MR (measles-rubella) vaccine para sa mga bata na 24-buwang gulang pababa; MRTD (measles-rubella-tetanus-diphtheria) vaccine para sa mga batang nasa 6-7 taong gulang at MRTD (measles-rubella-tetanus-diphtheria) vaccine para naman sa kabataan na nasa edad 12-13 taong gulang.

Pinaalalahanan din ng lokal na pamahalaan ang mga magulang na manatili na lamang sa kanilang mga bahay at hintayin ang iskedyul ng house-to-house vaccination ng MHD sa kanilang mga health care centers na magtatagal na lamang ng hanggang Oktubre 29.

Matapos ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination ay ipagpapatuloy naman ng MHD ang baksinasyon sa mga health centers sa lungsod ng Oktubre 30 na magtatagal ng hanggang Disyembre 22.

Para sa mga una pa lamang na mababakunahan ay maaaring magtungo ang mga ito sa kanilang health centers para ma­bigyan sila ng iskedyul ng kanilang pagpapabakuna.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan na bukod sa pakikipaglaban sa CO­VID-19 at sa mas madaling nakahahawang Delta variant ay isinusulong din ng lungsod ang baksinas­yon ng mga sanggol laban sa iba pang sakit.

Sa mga residente na mayroon pang ibang katanungan tungkol sa baksinasyon ay maaari lamang na tumawag ang mga ito sa (02) 8870-1619 o magtungo sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar. MARIVIC FERNANDEZ

6 thoughts on “HOUSE-TO-HOUSE IMMUNIZATION SA SANGGOL AT MENOR DE EDAD”

Comments are closed.