INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na Ilalaan ng pamahalaan para sa mga senior citizen na kabilang sa A2 category ang susunod na bugso ng national COVID-19 vaccination drive sa bansa.
Ayon kay Año, sa pag-uusap nina vaccine czar Carlito Galvez Jr. at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ay nagpakasunduang magdaraos ang pamahalaan ng house-to-house vaccination para sa mga matatanda.
Sinabi ng kalihim na ang sitwasyon sa Hong Kong, kung saan ang mga pagamutan ay na- overwhelmed ng mga pasyente ng COVID-19, kabilang na ang mga matatanda.
“Kung mapupuna natin sa Hong Kong ngayon grabe yung surge doon, maraming namamatay. Napag-alaman natin na ang naging weakest link nila ay yung seniors dahil 30% lang pala ng kanilang seniors ang nabakunahan,” paliwanag ni Año sa isang panayam sa radyo.
“So yung 70% seniors ito yung nasa ospital, mga sinasawing palad at namamatay.…kaya hindi natin puwede balewalain yung siyensya na mas matindi ang tama ng COVID sa mga seniors at may comorbidities. So hahanapin natin yan,” anang kalihim.
Sa ngayon ay wala pa naman aniyang napipiling petsa ang pamahalaan kung kailan isasagawa ang naturang susunod na national vaccination drive.
Inaasahan namang isasagawa ito sa lalong madaling panahon dahil plano aniya ng pamahalaan na ma-fully vaccinate laban sa COVID-19 ang 90 milyong Pinoy bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, 2022. EVELYN GARCIA