HOUSEWIVES AT SINGLE MOM PUPUWEDE SA ‘FIRST TIME JOBSEEKERS ACT’

Biñan City Rep Marlyn Alonte-2

HINIMOK ni Biñan City Rep. Marlyn Alonte ang Department of Labor and Employement (DOLE) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglabas ng isang joint-memorandum na magbibigay ng kautusan at gabay sa implementasyon ng Republic Act 11261 o ang tinaguriang ‘First Time Jobseekers Act’.

Partikular na hinihi­ling ng Biñan City lady lawmaker na maging bahagi ng naturang batas ang mga ina ng tahanan at single mother, na sa unang pagkakataon pa lamang ay mag-a-apply ng trabaho.

“Marami po sa mga housewives natin, sa kagustuhan nilang ma­dagdagan ang kita ng kanilang pamilya, ay maghahanap na ng trabahong full-time or part-time. Maaring maaga silang nagkapamilya at saka na lamang nila naisipang maghanap ng trabaho kapag hindi na alagain ang mga anak,” pahayag pa ni Alonte.

“This is why I am asking that the DOLE and DILG issue a joint memorandum containing specific instructions or guidance to the barangays on this matter,” dugtong niya.

Bukas ay ganap nang maipapatupad ang RA 11261 makaraang itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan ng Mayo.

Sa ilalim ng batas na ito, ang mga una pa lamang na mag-aaplay ng trabaho ay wala nang babayaran sa pagkuha nila ng police clearance, National Bureau of Investigation (NBI) clearance, barangay clearance, birth certificate, marriage certificate, transcript of records, tax identification number, unified multi-purpose identification card, medical certificate mula sa public hospital, at ibang dokumento mula sa gobyerno na hinihinging requirements sa kanila ng kanilang magiging employer.

Subalit kinakaila­ngan ng ‘first time jobseekers’ na kumuha at makapagprisinta ng barangay certification, na nagsasaad na unang pag-apply pa lamang nila sa trabaho para malibre sa pagkuha ng mga nabanggit na dokumento.

Hindi naman sakop ng RA 11261 ang bayarin para sa professional licensure exam, Philippine passport authentication at red rib-bon of documents mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Career Service Examination, at driver’s license.

Giit ni Alonte, maaari pa ring mapasama bilang ‘first time jobseekers’ ang mga ina at single mom na hindi pa nagkaroon ng trabaho, bagama’t sila ay graduate din ng high school at college, suba­lit mas inuna muna ang pag-aaruga sa kanilang pamilya o anak. ROMER R.  BUTUYAN