PANSAMANTALANG ikokonsidera ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang housing loans bilang alternatibong compliance ng mga bangko sa Agri-Agra Reform Credit Act of 2009 (Republic Act 10000) hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon sa BSP, ito ay upang mahikayat ang mga bangko na magpautang sa mas maraming borrower.
Sa ilalim ng batas, ang lahat ng pribadong bangko ay may mandatong maglaan ng 25 percent ng kanilang loan portfolios para sa agriculture at fisheries.
Nakasaad sa BSP Memorandum Order M-2020-086 na nilagdaan ni BSP Governor Benjamin E. Diokno noong nakaraang December 3 na inaprubahan ng Monetary Board ang temporary inclusion ng housing loans para makasunod sa RA 10000, at maipatupad ang mga probisyon sa Bayanihan to Recover As One Act.
“Private banks are encouraged to reallocate any unutilized loanable funds to housing loans,” ayon pa sa memo.
Ang housing loans na ipinagkaloob mula September 15 hanggang December 31 ngayong taon ay ikokonsiderang pagsunod sa 25 percent total mandatory credit allocation para sa agriculture at agrarian reform.
Isasama ito sa report ng mga bangko para sa third quarter at fourth quarter ngayong taon.
“Banks may utilize eligible housing loans as alternative compliance either for the 10 percent mandatory agrarian reform credit allocation and/or for the 15 percent mandatory other agricultural credit allocation,” ani Diokno.
Comments are closed.