MALAKI ang papel ng Human Resource (HR) management, kabilang ang public service sector, sa pagharap sa hamon ng panahon dulot ng COVID-19 pandemic, kabilang na rito ang pagkakaroon ng transpormasyon o pagbabago sa layuning mapanatiling maayos at produktibo ang bawat pagtatrabaho.
Ito ang binigyang-diin ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Alexie Nograles sa kanyang virtual message sa idinaos na ‘Seminar-Conference on Public Sector Productivity’ sa Development Academy of the Philippines (DAP) nitong Biyernes.
Ayon kay Nograles, ang pandemya na naging problema sa buong mundo ay nagdulot ng pagbabago kung paano magsisipagtrabaho ang mga tao at paano kikilos ang mga organisasyon.
“HR was given the chance to strengthen its role and to contribute in ways that will be more effective and more valued than ever before. Instead of seeing the glass as half-empty, organizations, which include our government offices, are allowed to implement changes with HR at the forefront,” pahayag pa ng CSC chairperson.
Sinabi rin ni Nograles na ang HR ay dapat na maging episyente at istratehiko, at mainam na palakasin ang Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) ng ahensiya, na nagsusulong din para sa digital transformation.
“This program is also a strategic initiative to push for digitization as it is designed to phase out paper-pushing and manual processes, so that HR in public organizations can focus on developmental initiatives,” aniya.
Binigyan-diin pa ni Nograles na nakatuon ang CSC sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga nagtatrabaho sa gobyerno para makaagapay ang mga ito sa pagbabagong dala ng modernong teknolohiya.
“I want transformation by means of educating, equipping, upskilling, and empowering our 1.8 million workers in government,” pagtitiyak pa ng opisyal, na iginiit na nais niyang ang mga civil servant sa hinaharap ay makita ang public service na tunay na nagbibigay kasiyahan sa punto ng life-long learning, career advancement, kontribusyon sa lipunan, mental at pisikal na kalusugan kung saan hindi kailangang masakripisyo ang pagkalinga sa kani-kanilang pamilya.
ROMER R. BUTUYAN