HUKOM PINAGMULTA NG P11K

INATASAN ng Supreme Court (SC) na magmulta ng P11,000 ang isang hukom na ginawang sarili niyang bahay ang courtroom.

Batay sa pitong pahinang desis­yon ng SC First division, binigyan din nito ng warning si Brooke’s Point-Sofronio Española-Bataraza Municipal Circuit Trial Court (MCTC) Judge Evelyn Cañete na huwag nang uulitin ang kanyang ginawa na paglabag sa SC Administrative Circular No. 3-92,  na nagbabawal sa paggamit sa halls of justice bilang residential o commercial na gamit.

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso sa Hukom matapos magreklamo ang stenographer na si Edgar Abiog.

Nalaman na nagpagawa pa ng extension ang Hukom para sa kanyang mga bisita at miyembro ng pamilya kung saan ang gobyerno ang nagbabayad ng konsumo sa koryente at tubig.

Idinahilan ni Cañete na inalok umano siya ng municipal government ng espasyo bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo dahilan para iwanan niya ang kanyang apartment sa Puerto Prinsesa City na may apat na oras ang biyahe mula sa korte.

Bukod pa umano na kumbinyente siya kapag may overtime na trabaho.

Hindi sinang-ayunan ng SC ang mga dahilan ng Hukom, dapat umano na hindi tinatanggap ng Hukom ang alok dahil hindi niya ito pribelehiyo bilang isang Hukom.

“Respondent judge must know that there is always a price to pay for tainted offerings, however innocuous or harmless they may appear. And the price is almost always loss of integrity or at the very least, compromised independence. Needless to say, that is a stiff price to pay, especially by a member of the judiciary, whose basic, irreducible qualification, is unimpeachable integrity,” nakasaad sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mariano del Castillo.    ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.