(Huling Final 4 slot pag-aagawan)LADY BOMBERS O LADY PIRATES?

Standings W L
**CSB 9 0
*Arellano 7 2
*SSC-R 6 3
Mapua 5 4
JRU 4 4
LPU 4 4
Perpetual 2 6
San Beda 2 6
Letran 2 7
EAC 2 7
**Finalist
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – Perpetual vs San Beda
2:30 p.m. – JRU vs LPU

UMAASA si Dolly Verzosa na ang final elimination round match ng Jose Rizal University kontra Lyceum of the Philippines University ay hindi niya magiging huling laro sa NCAA.

“I think every game naman po, like kahit sa ibang games naman, lagi kong iniisip na last game ko na,” sabi ni Verzosa, na umaasang maibabalik ang Lady Bombers sa Final Four sa unang pagkakataon magmula noong 2018.

“May times ako na nagla-lack ako kasi minsan nagda-doubt ako sa sarili ko pero most of the time, every game iyon lagi ang iniisip ko na last game ko na ito. Kailangan lang laban lang talaga, kung ano ang kaya ko, ibibigay ko na,” dagdag ng veteran open spiker.

Nakataya ang isang puwesto sa
Final Four, gagawin ng JRU ang lahat sa huling collegiate year ni Verzosa.

Pag-aagawan ng Lady Bombers at Lady Pirates, kapwa may 4-4 kartada, ang nalalabing semifinals slot ngayong alas-2:30 ng hapon para tuldukan ang single-round women’s volleyball eliminations sa Paco Arena. Ang mananalo ay makakaharap ng No. 3 San Sebastian sa unang step-ladder match sa Biyernes.

Makakatabla ng Mapua, na tinapos ang eliminations na may 5-4 record, ang mananalo sa JRU-LPU match para sa No. 4, ngunit hindi makakapasok ang tropa ni coach Aying Esteban sa Final Four sa bisa ng inferior quotient at magtatapos sa ika-5 puwesto.

Ang College of Saint Benilde ay nasa championship round na makaraang makumpleto ang nine-match elimination round sweep, habang sasalang ang titleholder Arellano University sa ikalawang step-ladder stage makaraang pumangalawa na may 7-2 marka.

Habang ang JRU ay gigil na makabalik sa Final Four matapos ang apat na taong pagkawala, ang LPU ay naghahangad ng breakthrough.

Magmula nang lumahok sa liga noong 2011, ang Lady Pirates ay hindi pa pumapasok sa semifinals, kung saan ang pinakamataas na pagtatapos ng koponan ay fifth place noong 2016 at 2019.

“Ang goal ko mula noong ako ang head coach ng LPU is maipasok sa Final Four. Ika nga, to break the sumpa,” sabi ni first-year mentor Cromwel Garcia. “Dati laging 5 or 6 lang, laging bitin. ‘Yun ang aim ko, maipasok sila sa top four.”

Ang Lady Pirates ay may all-around setter sa katauhan ni Venice Puzon, habang may solid offensive core nina Denise Dolorito, Janeth Tulang, Jewel Maligmat at Zonxi Dahab.

Sina open hitter Kia Melgar, na kasama si Verzosa ay nasa kanyang final year, Sydney Riegos, May Ruiz at Riza Rose ang magiging sandigan ng Lady Bombers.