(Huling finals slot pag-aagawan)LADY CHIEFS O LADY BOMBERS?

Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – Arellano vs JRU

TARGET ng titleholder Arellano University ang ika-4 na sunod na finals appearance sa pagsagupa sa hard-fighting Jose Rizal University sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Nalusutan ng Lady Bombers ang dalawang do-or-die matches, at hindi maaaring magkampante ang Lady Chiefs sa 2 p.m contest.

“Exciting ‘yung game bukas (ngayon). Kung sino mas determinado siya ang mananalo. We will do our best bukas para manalo at makabalik sa finals,” sabi ni Arellano mentor Obet Javier.

Sa pagtatapos sa ikalawang puwesto sa eliminations na may 7-2 record, ang Lady Chiefs ay nakakuha ng bye sa first stage ng step-ladder round.

Makakaharap ng survivor sa knockout match na ito ang College of Saint Benilde sa best-of-three championship series simula sa Miyerkoles.

Umakyat ang fourth-ranked JRU sa ladder kasunod ng 25-21, 18-25, 22-25, 25-20, 15-9 panalo sa No. 3 San Sebastian noong Biyernes.

Anuman ang mangyari, ang ipinakita ng Lady Bombers ngayong season ang pinakamaganda sa program history ng eskuwelahan.

“I’m sure they are so happy because from the very beginning they are very supportive of us,” sabi ni coach Mia Tioseco ng JRU.