Kapag may pumanaw, nagsasagawa and pamilya ng burol mula tatlo hanggang pitong araw upang makasama kahit sa huling sandali ang sumakabilang buhay.
Iaayos ang cadaver sa kabaong kahit pa ipake-cremate, at paglalamayan sa bahay o sa funeral home. Mga bulaklak na puti ang dekorasyon at may dalawang malaking kandila, bukod pa sa napakaliwanag na ilaw.
Matapos ang libing, nagdarasal ang mga nagdadalamhati para sa kaluluwa ng namatay tuwing gabi sa loob ng siyam na araw. Nagsisimula ito sa unang araw ng kamatayan. Sa ika-9 na araw ng pshdarasal, magkakaroon ng simpleng pagtitipon. Ang tawag dito ay “pasiyam.’
Magkakaroon uli ng padasal sa ika-40 araw ng kamatayan, dahil naniniwala ang mga Filipino na nananatiling nakikitalamitam sa mga buhay ang pumanaw sa loob ng 40 araw, tulad ni Jesus na umakyat lamang sa Paraiso matapos ang 40 araw.
Muli, sa ikaisang taong anibersaryo ng kamatayan, muling magpapadasal at magtitipon para sa babang luksa.
Sa bawat anibersaryo ng kamatayan ay muling magpapadasal, magtitipon-tipon at dadalaw sa puntod ng namayapa.
Karaniwang nagbibigay ng pera o pagkain ang mga nakikiramay sa panahon ng lamay, mayaman man o mahirap ang namatay. Ito ang tanda ng pakikiramay ng Pinoy.
Mayroon din tayong tinatawag na “atang.” Isinasagawa ito sa tuwing may pagtitipon para sa namatay tulad ng huling araw ng pasiyam, 40 days, babang luksa at taunang anibersaryo ng kamatayan — o sa kahit anong araw na may pagdiriwang ang pamilya. Ito ay ang pag-aalay ng iinumin at pagkaing handa sa selebrasyon — sa altar at sa puntod ng namatay. Walang written historical proof kung saan at paano ito nagsimula sa Pilipinas, ngunit maaaring i-attribute ito kay Sidapa, ang diyosa ng kamatayan sa mitolohiyang Filipino. Sinasabing mahilig si Sidapa sa matatamis na pagkain, kaya pinapayagan niya ang mga kaluluwa ng namatay na bumalik sa lupa sa anibersaryo ng kanilang kamatayan upang sa kanilang pagbalik sa Kamariitan (kabilang buhay) ay madalas nila ang matatamis na pagkain. Kapag kinalugudan ni Sidapa ang namayapa ay may pribelehiyo itong makabisita sa mga buhay na kaanak kahit karaniwang araw.
Walang kumplikadong ritwal ang atang. Basta bago magpadasal, kasabay sa pagsisindi ng mga kandila, ilalagay ang pagkain at inumin sa tabi ng nakakwadrong larawan ng namayapa.
Napakalakas ng konsepto ng kulturang Filipino kahit pa naninirahan na ang Pinoy sa ibang bansa. Totoong totoo sa atin ang kasabihang “Mas malapit ang dugo sa tubig.” Mayroon tayong close family ties, at inaalagaan ng pamilya ang isa’t isa. Tinuturuan din tayong maging loyal sa pamilya at gumalang sa nakatatanda.
Mahilig tayo sa family reunions, class reunions at kung anu-ano pang reunions. Hindi lamang tao ang pinahahalagahan natin, kundi ang ating cultural traditions at family spirit.
Kamatayan ang isa sa pinakamahalagang okasyon sa pamilyang Filipino. Ito ang pagkakataong napapalakas at napapaigting ang relasyon ng magkakamag-anak. Umuuwi kahit ang mga nasa ibang bansa to pay their last respect sa namayapa, lalo na kung ito ay kanyang ama, Ina o kapatid.
Oo, napakaraming ritwal kapag namatayan — religious at superstitious. Hindi nawawala ang iyakan, ngunit mas mabuti raw kung may kaunting kasayahan upang maging maaliwalas ang paglalakbay ng kaluluwa tungo sa kabilang buhay.
Kung iraranggo, nangunguna sa ritwal ang pasiyam, kasunod ang cuarenta Diaz (40 days) at ikatlo ang babang luksa.
Namatay si Nanay Eleng (my grandmother to the mother side) noong 2002; si Lola Em (grand aunt) noong 2005; si Tatay Pael (grandfather to the mother side) noong 2017; at si Wayne (brother-in-law) noong 2022. American si Wayne ngunit dahil asawa siya ng kapatid ko, sumailalim din siya sa tradisyon at kultura ng mga Filipino.
Hindi lamang ang pagharap sa katotohanang wala na sila ang mahirap, kundi ang katotohanang kapag oras na, mawawala siya kahit gaano mo pa siya kamahal, at kahit pa mayroon na tayong advanced technology.
Walang pinipiling edad ang kamatayan. Bata, matanda, kahit hindi pa naisisilang na sanggol. Kahit wala ka pang sakit. At kapag nangyari iyon, madalas, we feel helpless. Minsan nga, kinukwrestyon mo pa ang Diyos. Naalala ko tuloy ang kantang “Alone again, naturally,” na may linyang “If really God did exist, why did He desert me?” Bakit nga ba ang sinasabing mapagmahal na Diyos ay hinahayaan tayong magdusa?
Nito lamang nakaraang linggo, sunud-sunod na namatay ang mga kakilala at kaibigan ko. Kung bakit, hindi ko iyan kayang sagutin. Wala sino man sa atin ang may kakayahang ipaliwanag ang kamatayan. Isa itong napakalalim na hiwagang sa totoo lang, ay maituturing na mahalagang regalo, dahil tinatapos nito ang paghihirap ng tao sa mundo.
JAYZL VILLAFANIA NEBRE