Laro ngayon:
Araneta Coliseum
6:30 p.m. – NorthPort vs Phoenix
(Playoff para sa 8th spot)
MATIRA ang matibay sa NorthPort at Phoenix Super LPG para sa ika-8 at huling silya sa PBA Governors’ Cup quarterfinals sa do-or-die game ngayong Linggo sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang laro sa alas-6:30 ng gabi.
Tinapos ng Batang Pier at Fuel Masters ang 11-game eliminations na may magkatulad na 5-6 kartada makaraang yumuko sa kani-kanilang katunggali noong Biyernes.
Nalasap ng Batang Pier ang 106-101 pagkatalo sa Tropang Giga sa overtime, habang nabigo ang Fuel Maters sa Meralco, 109-90.
Ang mananalo sa NorthPort at Phoenix ay kailangang talunin ang top seed Magnolina ng dalawang beses para makausad sa best-of-five semifinals.
Ang Batang Pier ay walang talo sa kanilang huling limang laro bago yumuko sa Tropang Giga habang ang Fuel Masters ay natalo sa apat sa kanilang huling limang games.
Kahit wala si Robert Bolick ay pinataob ng Batang Pier ang Fuel Masters, 101-93, sa kanilang elims face-off.
Subalit iba ang sitwasyon ngayon lalo na’t ang Fuel Masters ay nasa kanilang ikalawang laro pa lamang na kasama ang kanilang bagong import na si Du’Vaughn Maxwell.
Tiyak na ibubuhos kapwa ng Batang Pier ar Fuel Maters ang kanilang lakas para hindi maagang mapatalsik sa torneo.
Kasama ng Magnolia sa quarterfinals ang NLEX, TNT, Meralco, San Miguel Beer, Alaska at Barangay Ginebra. CLYDE MARIANO