PUMANAW na ang huling survivor ng lumubog na barkong Titanic noong 1912.
Iniulat ng Titanic International Society na ang 97-anyos na si Millvina Dean ay pumanaw habang nahihimbing sa isang nurs-ing home sa England.
Kalalabas lang nito sa ospital matapos siyang magkaroon ng pneumonia.
Dalawang buwang gulang pa lamang si Dean nang maganap ang trahedyang paglubog ng Titanic nang tumama ito sa iceberg sa Atlantic at isa siya sa 706 na survivor.
Sakay ng Titanic ang buong pamilya ni Dean nang ito ay lumubog at masuwerteng nakaligtas ang ina ni Dean at 2-anyos niyang kapatid, na parehong pumanaw na noong 1975 at 1992.
Sa mga nakaraang interview kay Dean ay wala itong alaala tungkol sa insidente. Nalaman na lamang nito ang pangyayari nang ikuwento ito ng kaniyang ina.
Sumikat si Dean bilang survivor noong siya ay 70-anyos kung saan siya dumalo sa mga convention, exhibition at documentary tungkol sa sinapit ng barko.
Noong nakaraang buwan, binigyan ito ng €21,000 ng mga star ng Hollywood blockbuster movie na Titanic na sina Leonardo DiCaprio, Kate Winslet at direktor ng pelikulang si James Cameron bilang suporta matapos nilang mapag-alaman na binibenta nito ang kaniyang autograph para mabayaran ang kanyang nursing home fees. AIMEE ANOC
Comments are closed.