(Humanitarian forensic training ng ICRC) PAGHAWAK NG BANGKAY ITINURO SA MGA SUNDALO

ILANG Military officers ang sinanay sa recovery at protection ng mga bangkay mula sa emergencies o land and maritime conflict kaugnay sa pangangalaga at handling ng mga labi.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) may 21 military officers and employees ang sinanay ng ICRC sa humanitarian forensic sa Makati City.

Nakatuon ang pagsasanay sa mga pangkalahatang prinsipyo tungkol sa proteksyon at pamamahala (handling) ng mga namatay sa emergencies at tunggalian.

Tinalakay ng ICRC ang mga pamantayan na tanggap sa buong mundo para sa dokumentasyon, recovery, pag-transport, pansamantalang paglilibing o pag-iimbak ng namatay at koordinasyon sa mga kinauukulang partido.

Ang mga opisyal ng AFP at mga opisyal ng ICRC ay nagpalitan ng pinakamahusay na kasanayan at tinalakay ang mga karaniwang hamon sa proteksyon at pamamahala ng namatay.

Ang AFP at ang ICRC ay nagsaliksik din ng mga paraan kung saan maaari silang makipagtulungan sa hinaharap, tulad ng para sa capacity building activities.

Nilalayon ng workshop na bigyang daan ang mas estratehikong kooperasyon sa pambansang antas.

Bago ang kaganapan, isang opisyal ng AFP ang sinuportahan ng ICRC noong 2022 na dumalo sa isang international na kurso hinggil sa proteksyon at pamamahala ng namatay sa Pakistan.

Nabatid na isa pang military officers ang nakatakdang dumalo rin sa kaparehong pagsasanay sa darating na Disyembre 2023.

Bukod dito ay nagkaloob din ang ICRC ng materyal na suporta sa AFP sa pamamagitan ng donasyon ng 200 body bags.

Ang mga nabangit na pagsasanay ay nakapaloob sa memorandum of understanding na nilagdaan sa pagitan ng AFP at ICRC noong 2021 upang pahusayin ang kooperasyon ng dalawang institusyon sa epektibong pagpapatupad ng IHL, at ang pagsasama nito sa pagtuturo, mga sistema at proseso ng militar. VERLIN RUIZ