MULING ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging tapat at kahusayan ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa proclamation rally ng PDP Laban sa Bohol nitong Miyekoles ng gabi.
“Bar topnotcher ito e. Mahusay. Honest. Lahat nakuha niya,” sabi ni Duterte tungkol kay Pimentel na inilarawan niyang “a worthy son of a great father” mula sa Mindanao patungkol kay dating senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr., na dating pangulo ng Senado at unang nahalal na senador noong 1987, nagsilbing kalihim ng Interior and Local Government at naging alkalde ng Cagayan De Oro City.
“I am honored and grateful for the endorsement of the President. His support for PDP-Laban’s candidates is a tremendous boost in what is going to be a very competitive senatorial race,” ani Pimentel na abogado rin tulad ng kanyang ama, nagtapos ng abogasya noong 1990 sa University of the Philippines na kalaunan ay nanguna sa Bar Exams noong 1990 at nagtapos din ng BS Mathematics degree sa Ateneo de Manila University.
Nauna rito sa Tuguegarao, Cagayan, umamin si Duterte na pumasa man siya sa Bar examinations ay mababa ang kanyang marka at malayo sa sinusuportahan niya ang kandidaturang si Pimentel.
“Bar topnotcher. E ako 75 lang e. Siya, Bar topnotcher, Senate President, lahat na. Tawag ko sa kanya, Mr. Integrity. Hindi mo siya maaano ng pera,” sabi ni Duterte kamakailan.
Sumaludo rin si Duterte kay Pimentel sa kanyang talumpati sa proclamation rally ng PDP-Laban sa Puerto Princesa City, Palawan kamakailan.
“Koko Pimentel, Bar topnotcher, Mr. Public Service at may prinsipyo na tao. ‘Yan lang, saludo na ako,” sabi ng Pangulo sa paglalarawan kay Pimentel.