BINISITA ni Senator Christopher “Bong” Go ang burol ni Jullebee Ranara, isang 35-anyos na overseas Filipino worker na brutal na pinatay sa Kuwait. Personal na nagpahayag ng pakikiramay si Go sa pamilya ng biktima sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City noong Lunes ng gabi, Enero 30.
“Alam n’yo, hindi po nababayaran ang lungkot na mapalayo sa sariling pamilya. Mas nanaisin nilang magtrabaho dito sa ating bansa. Ngunit kailangan nilang makipagsapalaran, magtrabaho sa ibang bansa para may maipadala sila rito sa kanilang pamilya at makatulong din po sa ating ekonomiya. Ngunit sila po ang nagiging biktima roon ng karahasan,” saad ni Go.
“Nakikiramay ako at gaya ng pamilya niya ay humihingi ako ng hustiya sa pagkamatay ng kapwa nating Pilipino. Naniniwala naman ako sa kakayahan ng DMW, OWWA, NBI at iba pang ahensyang nangangasiwa dito. Kaya nga natin isinulong ang DMW para tutukan ang ganitong kaso,” paliwanag nito.
Ang bangkay ng Pinay ay natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait noong nakaraang linggo at iniulat na sinunog, ayon sa lokal na Kuwaiti media. Bukod dito, ang pangunahing suspek, isang 17-anyos na Kuwaiti citizen na anak ng amo ni Ranara, ay inaresto ng mga awtoridad.
Nagtulungan ang mga kinauukulang ahensya upang matiyak na ligtas na naiuwi ang mga labi ni Ranara sa kanyang pamilya noong Enero 27. Upang mas mapabilis ang pag-usad ng imbestigasyon, nagsagawa ng autopsy ang National Bureau of Investigation sa bangkay ni Ranara, sa kahilingan ng pamilya ng biktima.
“Ako po ay nandirito para sa asawa, sa buong pamilya, sa nanay at tatay din po ni Jullebee.
Nagkataon naman po na andito si DMW Secretary Susan Ople at OWWA Chief Arnell (Ignacio).
Pumasok po sa programa ng SMNI si dating pangulong Rodrigo Duterte at si Pastor (Apollo) Quiboloy, nakiramay po sila at nagpadala ng konting tulong si dating pangulong Duterte sa pamilya,” dagdag ni Go.
“Nakakalungkot ang pinagdadaanan ng pamilya ngayon ni Jullebee. Nagpapakahirap si Jullebee sa ibang bansa para makapagbigay ng makakain sa kaniyang pamilya dito sa Pilipinas tapos ganito ang kahahantungan ng kaniyang sakripisyo na mawalay sa kaniyang pamilya. Idinidiin kong dapat justice must be served sa kasong ito,” patuloy nito.
Nakiramay rin si dating presidente Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng live broadcast sa SMNI News’ Gikan sa Masa, Para sa Masa segment, saying, “Nakikiramay po kami sa inyo. I am sorry (that) this thing has to happen. Ang akin naman kapag gumana na naman ang kanilang criminal justice system at nahusgahan yung may kasalanan, okay (yun) sakin.”
“Salamat, Senator (Go) at andiyan ka sa pamilya nila ngayon. Kailangan nila yung presence mo ngayon more than anything else,” ayon.kay Duterte.
Inulit ng senador ang kanyang panawagan sa gobyerno na paigtingin ang mga pagsisikap at proteksyon sa bawat Pilipinong nagtatrabaho rito at sa ibang bansa. Hinimok din niya ang mga kinauukulang ahensya na bigyan ng kaukulang atensyon ang kaso at tulungan ang pamilya.
“Hindi na natin mababalik ang buhay ng ating mga kababayan na namatay, kaya naman nananawagan ako sa mga concerned officials na dapat palakasin pa natin ang programa natin para sa proteksyon ng ating mga migrant workers. Hindi po biro ito,” dagdag ni Go.
Ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration ay nangangako na magbigay ng suporta sa pamilya ni Ranara, kabilang ang burial at livelihood assistance, life insurance, psychosocial counseling para sa pamilya, at scholarship grant sa apat na anak ng biktima.
“Nagbigay ako ng konting suporta at handa ang aking opisina na tulungang tugunan ang pangangailangan ng pamilyang naulila sa abot po ng aming makakaya,” ani Go.
Kamakailan, muling iginiit ni DMW Secretary Susan Ople na isinusulong nila ang mas matibay na bilateral na kasunduan sa Kuwait upang matiyak ang pagtaas ng proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa estado ng Gulf.
“There is a working, productive relationship between the Philippines and Kuwait that can be further enhanced not by imposing a deployment ban, but by revisiting the existing Bilateral Labor Agreement (BLA),” pahayag ni Ople.